Top seat sa Western inangkin ng Warriors
MILWAUKEE – Nakamit ng Golden State Warriors ang dalawang impresibong karangalan sa pamamagitan ng double-digit win sa labas ng kanilang balwarte.
Ngayon ay pipilitin nilang maging malusog ang lahat patungo sa postseason.
Umiskor si guard Stephen Curry ng 25 points at inangkin ng Warriors ang top seed sa Western Conference mula sa 108-95 paggiba sa Milwaukee Bucks.
Nagdagdag si Klay Thompson ng 21 para sa Golden State, nagposte ng bagong franchise record sa kanilang pang-60 panalo sa season.
Tangan ng Warriors ang 10-game lead laban sa second-place Memphis Grizzlies sa West sa huling siyam na laro sa regular season.
“Wins and losses might not matter when it comes to the standings but we want to win as many games as possible and we want to feel good about how we’re going into the playoffs,” sabi ni Curry. “That’s the test for us over these next nine games.”
Tumipa naman si Khris Middleton ng 14 points sa panig ng Milwaukee, may 36-37 record ngayon.
Pinuwersa ng Bucks ang Warriors sa 22 turnovers, ngunit wala silang mga shooters na kagaya nina Curry at Thompson.
“You can see how they have a feel for one another. They both can shoot the ball extremely well. One is in foul trouble and the other one picks it up,’’ sabi ni Bucks coach Jason Kidd. “You always have to be concerned with those two on the floor.’’
Sa Charlotte, umiskor si Kemba Walker ng 21 points at tinalo ng Hornets ang Atlanta Hawks, 115-100.
Ipinahinga ng Hawks ang kanilang mga starters na sina DeMarre Carroll, Kyle Korver, Al Horford at Paul Millsap.
Naupo naman si guard Jeff Teague dahil sa sprained ankle isang gabi matapos sikwatin ng Atlanta ang top seed sa Eastern Conference.
Kumamada si Gerald Henderson ng 20 points mula sa 9-of-10 shooting, habang nagsalpak si Mo Williams ng apat na 3-pointers at tumapos na may 18 points para sa Hornets.
Tinapos ng Charlotte ang kanilang three-game losing slump.
Nagdagdag naman si Marvin Williams ng 17 points para sa Charlotte (31-41) na lumapit sa pang-walong puwesto.
- Latest