Pinoy Pride 30 D-day Reputasyon nakataya sa laban ng Pinoy boxers
MANILA, Philippines - Itataya ngayong gabi ang mataas na reputasyon nina Donnie Nietes at Nonito Donaire Jr. laban sa dalawang determinadong katunggali sa Pinoy Pride 30 D-Day sa Smart Araneta Coliseum.
Kaharap ni Nietes si Gilberto Parra ng Mexico para sa suot na WBO light flywweight title habang si Donaire ay masusukat kay William Prado ng Brazil para sa bakanteng WBC NABF super bantamweight crown.
Walang naging problema sa mga timbang ng apat na maglalaban na tampok na laban sa 72-round fight card na handog ng ALA Promotions katuwang ang ABS-CBN.
Parehong tumimbang sina Nietes at Parra sa eksaktong 108-pounds habang sina Donaire at Prado ay nasa 122-pounds sa weigh-in kahapon sa Big Dome.
May 34 panalo sa 39 laban, kasama ang 20KOs, si Nietes at ipamamalas niya ang pormang naglagay sa kanya bilang kampeon ng prestihiyosong Ring Magazine.
“Hindi siya ang orihinal na kalaban ko pero hindi kami nagpabaya sa ensayo dahil lahat ng kilos niya ay pinag-aralan namin,” tiniyak ni two-division champion na si Nietes.
Maging si Parra na may 19 panalo sa 22 laban, kasama ang 17KOs, ay hindi nababahala sa labang ito.
Mas mataas ng kaunti si Parra kay Nietes at ito ang sisikapin niyang gamitin para maagaw ang titulo.
“I’m taller than him and I will try to use my distance to win this fight,” wika ni Parra na nasa unang pagkakataon na lalaban sa labas ng Mexico.
Sa kabilang banda, determinado si Donaire na ipakita na kaya pa niyang maibalik ang dating magandang estado na nabura matapos ang sixth round knockout na pagkatalo kay Nicholas Walters ng Jamaica noong Oktubre.
Ito ang kauna-unahang knockout loss sa career ni Donaire para mahubad din ang dating suot na WBA World Featherweight title.
“I’ve gone a long way since my last fight. For this fight, I will be fighting an intelligent fight,”wika ng 32-anyos na si Donaire.
Magsisilbing panghimagas nina Donaire at Nietes ay ang salpukan nina Albert Paraga at Rodelfo Hernandez ng Mexico para sda IBF Inter-Continental Jr. Featherweight championship at Ryo Akaho ng Japan at Prosper Ankrah ng Ghana para sa WBO International supper bantamweight title. (AT)
- Latest