Mapapagastos ka kung manonood ng Pacquiao-Mayweather
MANILA, Philippines - Hindi biro ang gagastusin ng isang boxing fan para mapanood ang sinasabing ‘biggest fight’ sa kasaysayan ng boxing.
Ang mga tickets para sa salpukan nina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather, Jr. sa Mayo 2 ay magkakahalaga mula $1,500 sa upper section ng 16,000-seater ng MGM Garden hanggang $7,500 sa ringside.
Sinasabing ito ay mas magmamahal pa habang papalapit ang naturang mega showdown sa Las Vegas.
Ilang linggo na ang nakakalipas ay inihayag na ang pinakamurang tiket para sa banggaan nina Pacquiao at Mayweather ay aabot sa $1,000 at ang pinakamahal ay $5,000. Ang tiket na nagkakaha-laga ng $1,000 ay katumbas ng higit sa P44,000.
Nauna na ring sinabi ng Filipino world eight-division champion na hindi siya ngayon mamimigay ng mga tiket kumpara sa kanyang mga unang laban.
Ito ay dahil na rin sa sobrang taas ng presyo para sa kanilang banggaan ng American world five-division titlist na si Mayweather.
“No tickets. I am even paying for the tic-kets for my family,” ani Pacquiao.
Sa mga nakaraang laban, ang tiket ay umaabot lamang sa $200 para sa cheap seat at nasa pagitan naman ng $1,200 hanggang $1,500 ang mamahaling silya.
“Everything about this fight is big,” pagkukum-para ni Pacquiao, kikita ng $80 milyon (P3.6 bilyon), habang tatanggap si Mayweather ng $120 milyon (P5.3 bilyon).
Ang Mayweather Promotions ang may hawak ng tiket mula rin sa kanilang napagkasunduan ng Top Rank Promotions ni Bob Arum.
Ang pay-per-view price ay hindi pa inihahayag, subalit inaasahan itong aabot sa $90-100 range.
Kailangang dumukot ang mga boxing fans sa kanilang mga bulsa para makabili ng tiket, ngunit walang dudang bibilhin ito ng mga boxing fans.
Gusto nilang mapanood kung ano ang mangyayari sa laban nina Mayweather at Pacquiao sa ibabaw ng boxing ring.
- Latest