NU Bulldogs sasagupa sa Blue Eagles sa finals Lady Tams sibak sa Lady Bulldogs
MANILA, Philippines – Naigupo ng National University ang malakas na hamon ng Far Eastern University para pagpahingahin ang huli sa pamamagitan ng 25-13, 25-17, 25-27, 25-23 tagumpay sa pagbubukas ng 77th UAAP women’s volleyball step-ladder semifinals kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Si Myla Pablo ay mayroong 22 puntos at anim na digs, habang sina Jorelle Singh at Jaja Santiago ay naghatid ng 20 at 19 puntos, ayon sa pagkakasunod, para angkinin ng Lady Bulldogs ang karapatan na labanan ang De La Salle University Lady Spikers sa second round ng semis.
Binasag ni Pablo ang 23-all iskor sa isang cross-court hit bago nagpakawala ng kill ang 6-foot-2 na si Santiago para magpatuloy ang paghahabol ng NU ng ikatlong titulo sa women’s volleyball tournament pero ang naunang dalawa ay nangyari noon pang dekada 50 pa.
“Marami kaming errors lalo na sa third set pero ang kagandahan lang ay bumalik ang laro nila sa fourth set at hindi bumigay,” wika ni NU head coach Roger Gorayeb.
Ito na ang ikaapat na ‘sudden-death’ ng FEU at sa pagkakataong ito ay wala na ang suwerte sa kanila.
Si Bernadeth Pons ay mayroong 15 kills tungo sa 16 hits.
Ang mga baguhan namang sina Heather Guino-o at Toni Rose Basas ay mayroong 13 at 10 hits, ayon sa pagkakasunod.
Ngunit ang mga beteranang sina Geneveve Casugod at Remy Palma ay nagkaroon lamang ng siyam at dalawang puntos para tuluyan nang magpahinga ang Lady Tamaraws.
Doble ang selebrasyon ng mga panatiko ng NU dahil ang Bulldogs ay bumalik sa finals nang lapain ang University of Sto. Tomas Tigers sa pamamagitan ng 25-18, 25-23, 25-23 panalo sa kanilang ‘sudden-death’ match sa men’s division.
Sina Peter Torres, Reuben Inaudito, Edwinn Tolentino at Jan Paglinawan ay may 13, 12, 12 at 11 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Ang depensa ng Bulldogs ay nagresulta para malimitahan sa 17 hits si Mark Alfafara.
Si Alfafara ay gumawa ng 37 puntos sa Game One na naisuko rin ng Tigers para mabigong pangatawanan ang pagiging second seed sa Final Four.
Makakatapat ng NU Bulldogs ang Ateneo Blue Eagles sa rematch ng men’s finals noong nakaraang taon.
- Latest