Ateneo Eaglets kampeon sa UAAP juniors basketball
MANILA, Philippines - Nag-init si Lorenzo Mendoza sa ikalawang yugto para pangunahan ang paglayo ng Ateneo Eaglets tungo sa 90-73 demolisyon sa National University Bullpups at angkinin ang 77th UAAP juniors basketball title na pinaglabanan kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Tumapos si Mendoza bitbit ang 30 puntos at 19 nito ay ginawa sa ikalawang yugto na dinomina ng Eaglets, 30-13, upang ang 22-21 iskor sa unang yugto ay maging 52-34 sa halftime.
Tumipa ng 10-of-24 shooting at isa lamang ang nai-mintis sa siyam na bulso sa free throw line ni Lorenzo para kilalanin bilang MVP sa championship series.
“Pinatagal lang namin. Nanalo sila sa first game pero ayaw na naming silang manalo,” wika ni Lorenzo na may 10-of-24 shooting para gawaran din ng MVP sa championship series.
Ito ang unang titulo ng Ateneo mula noong 2010 at nagawa nila ito kahit nasira ang unang hinangad na 16-0 sweep nang matalo sa Game One.
May 25 puntos pa si Matt Nieto at pitong sunod ang ginawa niya matapos ang pagdikit ng Bullpups sa lima, 74-69, sa huling 5:22 ng labanan.
Ang season MVP at kakambal ni Matt na si Mike ay may 12 puntos, 8 rebounds at dalawang steals.
Sina John Clemente, Jordan Sta. Ana at Philip Manalang ay may 24, 13 at 10 puntos ngunit ang pambatong si Mark Dyke ay mayroon lamang matipid na siyam na puntos para mabigo ang Bullpups na madup-lika ang nagawa ng Bulldogs at Lady Bulldogs na kampeon sa men’s at women’s divisions. (AT)
- Latest