Lapaza handa nang magdepensa ng Ronda crown
MANILA, Philippines - Aminado si Reimon Lapaza ng Butuan City na mahihirapan siyang idepensa ang kanyang koronang napanalunan noong nakaraang taon sa Ronda Pilipinas 2015 na inihahandog ng LBC.
Ilan sa mga binanggit ni Lapaza na magbibigay sa kanya ng sakit ng ulo ay sina Mark Galedo, 2012 Ronda champion Irish Valenzuela, 2011 inaugural winner Santy Barnachea at 2014 Luzon qualifier titlist Ronald Oranza.
Kaya naman noong nakaraang taon ay sinimulan na ng 29-anyos na kampeon ang kanyang paghahanda.
“Naghahanda na ako last year pa at gusto ko talagang maidepensa ang korona ko,” wika ni Lapaza.
Pakakawalan ang championhip round ng Ronda sa Linggo sa Paseo Greenfield City sa Sta. Rosa, Laguna.
Isang come-from-behind win ang ginawa ni Lapaza para talunin si Galedo noong 2014.
Bukod kay Galedo, binanggit rin ni Lapaza na dapat tutukan sa karera ay ang mga miyembro ng national team at Army, 7-Eleven at ang Navy-Standard Insurance riders.
Sinabi ni Lapaza na iaalay niya ang kanyang kampanya para sa namayapa niyang kaibigan at kakamping si Vicmar Vicente, namatay sa road accident sa Davao noong Mayo ng 2014.
Makakasama ni Lapaza sina Galedo, Barnachea Valenzuela, Oranza, ang national team, ang composite European squad at halos 70-plus riders mula sa Luzon at Visayas qualifying legs.
Kasama dito si Boots Ryan Cayubit ng 7-Eleven na naghari sa Visayas leg.
Matapos ang three-day break ay magpapatuloy ang karera sa pamamagitan ng 60-km criterium sa Greenfield City sa umaga at 120.5-km lap mula sa Calamba hanggang Quezon National Park o Tatlong Eme (Three Ms) o Bitukang Manok (Chicken Intestine) sa Atimonan, Quezon kinahapunan.
Buhat sa Atimonan ay magtutungo ang Ronda sa Lucena, Antipolo, Malolos, Tarlac, Dagupan at sa Baguio.
- Latest