2015 Ronda Pilipinas sisikad na ngayon
DUMAGUETE CITY, Philippines -- Pakakawalan ngayon ang Ronda Pilipinas 2015 na inihahandog ng LBC sa pamamagitan ng three-stage qualifier na sisimulan ng 172.7-kilometer Stage One sa Negros Oriental Provincial Capitol at magtatapos sa Sipalay sa Negros Occidental.
Si Irish Valenzuela, ang 2013 Ronda champion, kasama ang kapwa Armymen na sina Cris Joven, Alvin Benosa at Alfie Catalan, ang magkapatid na Junvie, Jaybop at Jetley Pagnanawon at ang 7-Eleven riders na pinamumunuan nina Baler Ravina at Ronnel Hualda ang ilan sa mga nagpalista kahapon.
Inaasahang marami pa ang lalahok kasama na ang mga riders mula sa Mindanao, libreng isinakay sa ferry boat ng Ronda at LBC galing sa Dipolog at Visayas bukod pa sa ilang junior participants na may edad na 17 at 18-anyos na makikipag-agawan sa tiket para sa championship round sa Feb. 22-27 mula sa Sta. Rosa, Laguna hanggang sa Baguio.
May pagkakataon silang angkinin ang premyong P1 milyon at tsansang mapili para sa national team at katawanin ang bansa sa ilang international races.
“The race is on,” sabi ni Ronda execu-tive director Moe Chulani sa final briefing para sa mga riders at miyembro ng Ronda caravan kahapon sa Bethel Guest House dito sa Negros Oriental capital.
Bukod sa dalawang Category 4 climbs -- isa sa unang bahagi ng karera at isa sa huling yugto -- ang opening stage ay dadaan sa Zamboanguita, Siaton, Bayawan at Sipalay.
“There will be two short ascents located near the start and end of the stage but the rest will be generally flat roads,” ani Ronda race director Ric Rodriguez.
Matapos ang Stage One, ang Visayas leg ay sa Bacolod para sa 157.8-km race na dadaan sa Don Salvador Benedicto bukas at ang 120-km Stage Three ay sisimulan sa Negros Occidental Provincial Capitol at magtatapos sa Cadiz.
Kabuuang 54 slots ang nakataya sa leg.
“If you’re in the top 50 but you didn’t meet our time requirement, you will not make it to the championship round,” ani Chulani.
Matapos ang Visayas phase, magla-lakbay ang Ronda sa Norte para sa Luzon qualifier sa Tarlac City sa Feb. 16 at Antipolo sa Feb. 17 kung saan paglalabanan ang 34 slots (30 elite at 4-juniors).
- Latest