Texters sososyo sa pangunguna: Douthit ipaparada naman ng Elite
MANILA, Philippines - Isang pamilyar na mukha ang itatampok ng Blackwater sa hangaring wakasan ang 12-game losing slump.
Ipaparada ng Elite si Gilas Pilipinas naturalized import Marcus Douthit sa kanilang pagharap sa Talk ‘N Text tropang Texters ngayong alas-3 ng hapon bago ang banggaan ng Barako Bull Energy at ng Ginebra Gin Kings sa alas-5:15 sa 2015 PBA Commissioner’s Cup sa Alonte Sports Arena sa Biñan, Laguna.
Hinugot ng Blackwater, hindi pa nananalo sa kanilang 12 asignatura simula noong nakaraang PBA Philippine Cup, ang 6-foot-11 na si Douthit matapos magkaroon ng injury si import Chris Charles sa isang tune-up game.
Ang 34-anyos na si Douthit ay nakapaglaro sa PBA noong 2012 para sa Air21 na hindi niya naitawid sa quarterfinals.
Huling nakita sa aksyon si Douthit para sa Gilas Pilipinas ni dating coach Chot Reyes sa Asian Games sa Incheon, Korea noong nakaraang taon.
Nanggaling ang Elite ni mentor Leo Isaac sa 70-92 pagyukod sa Energy.
Tatargetin naman ng Talk ‘N Text ang kanilang ikalawang sunod na panalo matapos takasan ang Rain or Shine, 89-86, noong nakaraang Miyerkules.
Inamin ni Tropang Texters’ head coach Jong Uichico na masama ang kanilang inilaro laban sa Elasto Painters.
“We didn’t look pretty. We have some work at hand,” wika ni Uichico. “It seemed like we’re starting the first conference again. So we have to keep on working.”
Itatapat ng Talk ‘N Text kay Douthit si 2014 PBA Best Import awardee Richard Howell.
Kagaya ng Tropang Texters, hangad din ng Energy ang kanilang pangalawang dikit na panalo sa pakikipagtuos sa Gin Kings.
Umiskor ang Barako Bull ng 70-92 panalo laban sa Blackwater na tinampukan ng pagbibida nina seven-foot import Solomon Alabi at guards Sol Mercado at Chico Lanete.
Hangad ng Ginebra ni bench tactician Ato Agustin na makabangon mula sa 74-85 kabiguan sa Meralco noong nakaraang Martes.
Nalimitahan ng Bolts si 6’8 import Michael Dunigan, dating naglaro para sa Express noong 2013, sa 17 points at 15 rebounds sa kanyang debut game para sa Gin Kings.
- Latest