TATAP kumpiyansang mananalo ng gold sa SEAG
MANILA, Philippines – Ang pagkakaroon ng mas maraming atleta na nakikitaan ng magandang laro sa mga naunang nilahukang international tournaments ang nagbibigay kumpiyansa sa Table Tennis Association of the Philippines (TATAP) na makakaya nilang manalo ng ginto sa SEA Games sa Singapore.
Kung maisasakatuparan, ito ang magiging kauna-unahang gintong medalya ng sport at mangyayari matapos magkaroon ng bronze medal si Richard Gonzales noong 2013 sa Myanmar.
Ang 43-anyos na si Gonzales ay magbabalik sa koponan na bubuuin din ng mga bata at mahuhusay na manlalaro na kakampan-ya sa lahat ng pitong events na paglalabanan.
“Sa Myanmar, sina Gonzales at Ian Lariba lang ang ipinadala natin. This time, 10 athletes na binubuo ng five male at five female ang sasali at lalaro sa pitong events. We will prepare them and hopefully, we can win a gold medal,” wika ni TATAP president Ting Ledesma.
Gagawin ito ng koponan kahit ang table tennis ay lalaruin ng mas maaga sa aktuwal na pagbubukas ng kompetisyon na Hunyo 5 hanggang 16.
“Ang event namin is from June 1 to 7 and this is because Singapore is strong in table tennis and want to win as many gold medals as possible before the actual start of the competition. There is pressure on us to deliver but I think our athletes are prepared for it,” dagdag ni Ledesma.
Sina Gonzales at Lariba ay babalik pa ngunit may mga makakatuwang na mahuhusay na kakampi.
Ilan sa aasahan ay sina Sendrina Balatbat at Jamaica Dianne Go Sy na nanalo sa Division 4 ng World Table Tennis Championship sa Tokyo, Japan noong nakaraang taon.
Sasali uli ang Pilipinas sa nasabing kompetisyon na itataguyod sa China mula Abril 26 hanggang Mayo 3 bago isunod ang paglahok sa World Tour Philippine Open sa Subic Convention Center mula Mayo 27 hanggang 31.
Ito ang ikalawang pagkakataon na gagawin ang World Tour Phi-lippine Open sa Pinas at tinatayang 15 bansa ang sasali rito dahil ang mga mananalo ay magkakaroon ng puntos na kanilang magagamit para makapasok sa 2016 Rio Olympics. (AT)
- Latest