Sports Science Seminar itinakda sa Jan. 12-14
MANILA, Philippines – Magkakaroon ng makabagong kaalaman ang mga coaches sa national pool sa gagawing PSC Sports Science Seminar sa Philsports Arena sa Pasig City.
Ito ay pagpapatuloy sa isinasagawa ni PSC chairman Ricardo Garcia na seminar mula noong 2013 at dinadaluhan ng mga dayuhang speakers para ibahagi ang kanilang mga nalalaman.
Gagawin ang seminar na Series 6 at 7 sa Enero 12 hanggang 14 at ang mga magsasalita ay sina Terry Rowles at Dr. Scott Lynn.
Ito ang ikalawang pagkakataon na babalik si Rowles para magbahagi ng kanyang nalalaman dahil noong nakaraang Mayo ng 2014 ay nakasama siya ni Ali Gilbert sa nasabing programa.
Unang pagkakataon na bibisita naman si Lynn na isang BSc/BPHE,MSc at PhD (Biomechanics) degrees sa Queen’s University sa Kingston, Ontario, Canada at sumailalim pa sa post-doctoral fellowship sa University of Waterloo sa Waterloo, Ontario, Canada.
“Hindi lamang ito bukas para sa mga national coaches kundi sa lahat ng coaches na nais na matuto ng makabagong pamamaraan sa sports science na mahalagang aspeto kung nais ng isang atleta na manalo sa mga sasalihang kompetisyon,” wika ni Garcia.
Naniniwala rin ang PSC chairman na tama ang petsa ng seminar dahil magsisimula pa lamang ng pagbabalik-ensayo ang mga atleta matapos iselebra ang Kapaskuhan at Bagong Taon.
Tampok na torneo na sasalihan ng mga pambansang atleta sa taong ito ay ang Southeast Asian Games sa Singapore sa Hunyo.
- Latest