Boxing yearender: Ilang panalo at kabiguan para sa mga Pinoy pro boxers
MANILA, Philippines - Hindi maikukunsiderang matagumpay ang taong 2014 para sa mga Filipino boxers maliban lamang kay world eight-division champion Manny Pacquiao.
Siyam na laban ang naipanalo ng mga Pinoy prize fighters, habang 12 naman ang nakalasap ng kabiguan.
Ngunit sinapawan ito ng mga tagumpay nina World Boxing Organization (WBO) light flyweight titlist Donnie Nietes, International Boxing Organization (IBO) light flyweight king Rey Loreto at International Boxing Association (IBA) super flyweight ruler Bruno Escalante.
Dalawang magkasunod na panalo ang itinala ni Nietes matapos pabagsakin si Moises Fuentes sa ninth round noong Mayo sa Mall of Asia Arena at pinahinto si Carlos Velarde sa round seven noong Nobyembre sa Waterfront Hotel and Casino sa Cebu.
Pinatumba naman ni Escalante si Lorenzo Trejo sa fourth round noong Pebrero sa Redwood City bago isinunod si Victor Ruiz sa Brooks noong Abril.
Bago ang mga panalo nina Nietes at Escalante ay umagaw muna ng eksena si Loreto matapos tanggalin kay Nkosinathi Joyi ang suot nitong IBO light flyweight crown sa pamamagitan ng third round knockout noong Pebrero sa South Africa.
Nakakakuha rin ng isang boxing world title si Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr. noong Mayo nang talunin si Simpiwe Vetyeka via fifth round technical decision para agawin sa huli ang hawak nitong World Boxing Association (WBA) featherweight title sa Macau, China.
Nawala ang naturang titulo kay Donaire nang matalo kay Nicholas Walters ng Jamaica.
Hindi naman nagpahuli si Gretchen Abaniel nang talunin si Nungnun Mor Krungthepthonburi ng Thailand para sa Women’s IBA minimumweight belt sa Biñan, Laguna noong Pebrero.
Subalit noong Setyembre ay natalo si Abaniel kay Kumiko Seeser Ikehara para sa bakanteng WBC female minimumweight belt sa Osaka, Japan.
Bukod kay Pacquiao, tanging sina Nietes at Loreto lamang ang mga kasalukuyang Filipino world champions.
Nakatakda sanang itaya ni Loreto ang kanyang korona sa kanilang rematch ni Joyi sa South Africa noong Dec. 13 ngunit ito ay inilipat sa Feb. 28.
Hindi maikukunsidera ang 26-anyos na si Escalante bilang isang world titleholder dahil ang IBA ay hindi isang mainstream global governing body at ang mga IBA title fights ay nakatakda lamang sa 10 rounds.
Kasalukuyang dala ni Escalante ang kanyang 13-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 6 KOs.
Nawala naman ang hawak ni Johnriel Casimero na IBF light flyweight crown nang mabigong makuha ang weight limit bago ang kanyang pagdedepensa kay Colombian challenger Mauricio Fuentes sa Cebu noong Mayo.
Bagama’t napatulog niya si Fuentes sa first round ay nauna nang naideklara ang naturang korona bilang bakante.
Noong Disyembre 13 ay pinabulagta ni Casimero si Armando Santos sa round two sa Mexico para muling maging isang title contender, ngunit ito ay sa flyweight division.
Bago matapos ang 2014 ay nakalasap ng kamalasan ang ilang Filipino fighters.
Natalo si Michael Dasmariñas ng Albay kay IBO super flyweight champion Lwandile Sityatha via split decision noong Dec. 13 kagaya ni Roli Gasca ng Cebu kontra kay IBO featherweight king Lusanda Komanisi.
Bukod kina Dasmariñas at Gasca, ang iba pang nabigo sa pamamagitan ng split decision ay sina Jether Oliva ng General Santos City kay Moruti Mthalane para sa bakanteng IBO flyweight crown sa South Africa noong Marso at si Edrin Dapudong kay Sityatha sa South Africa noong Hulyo.
Dalawang Filipino boxers ang nadiskaril ang pinapangarap na world boxing title.
Natalo si Rocky Fuentes kay Amnat Ruenroeng ng Thailand para sa bakanteng IBF flyweight title sa Nakhon Ratchasima noong Enero at napatulog ni WBC flyweight king Roman (Chocolatito) Gonzalez ng Nicaragua sa sixth round sa Yokohama noong Nobyembre.
Isinuko naman ni Gasca ang isang unanimous decision loss kay Thabo Sonjica sa isang IBO super bantamweight title fight sa South Africa noong Agosto at muling natalo kay Komanis sa South Africa dalawang linggo na ang nakakaraan.
Natalo rin sa kani-kanilang mga laban sina Richie Mepranum laban kay ng WBO flyweight champion Juan Francisco Estrada of Mexico sa Sonora noong Abril, si Marvin Mabait kontra kay WBC super flyweight champion Carlos Cuadras ng Mexico sa Washington, D. C. noong Nobyembre at si Merlito Sabillo na naagawan ng WBO minimumweight crown ni Francisco Rodriguez ni Mexico via 10th round knockout loss sa Monterrey noong Marso.
Para sa 2015, ilang Filipino ang inaasahang lalaban para sa world titles.
Kabilang dito sina Donaire, dating two-time world champion Brian Viloria at dating world champion Sonny Boy Jaro kasama sina interim WBA light flyweight titlist Randy Petalcorin, IBF light flyweight title eliminator survicor Milan Melindo, super bantamweight Albert Pagara, super flyweight Arthur Villanueva, lightweight Roberto Gonzales, minimumweight Denver Cuello at lightweight Mercito Gesta. (QHenson)
- Latest