Pacquiao nagparamdam kay Mayweather
MANILA, Philippines - Bago magsara ang 2014 ay nagpahabol pa si Manny Pacquiao kay Floyd Mayweather Jr. ng pagpaparamdam.
Sa kanyang Twitter account na @Manny Pacquiao, ay inulit ng Filipino world-eight division champion ang paghahamon sa American world-five division titlist na si Mayweather.
“The ball will drop at midnight to usher in 2015. @FloydMayweather let’s not drop the ball on fighting each other next year! #LetsMakeFistory,” sabi ni Pacman’.
Naging masidhi ang paghahamon ng 36-anyos na si Pacquiao (57-5-2, 38 KOs), sa 37-anyos na si Mayweather (47-0-0, 26 KOs) matapos pabagsakin ng anim na beses si American challenger Chris Algieri para sa kanyang unanimous decision win noong Nobyembre 23 sa Macau, China.
Noong Disyembre 16 ay ginamit ni Pacquiao ang social media para kulitin si Mayweather.
“Don’t be a boxing humbug. Let’s give the fans the fight they want. They have waited long enough,” sabi ng Sarangani Congressman sa kanyang Twitter.
Pumayag na si Mayweather, ipagdiriwang ang kanyang ika-38 kaarawan sa Pebrero 24, na labanan si Pacquiao sa Mayo 2, 2015.
Ngunit sinabi ni Pacquiao na maniniwala lamang siya sa mga pinagsasasabi ni Mayweather kapag nakita niya ang pirma nito sa fight contract.
Dapat ding ipalabas sa Showtime pay-per-view ang kanilang laban ni Pacquiao, sabi ni Mayweather.
Sinabi ni Bob Arum ng Top Rank Promotions na tuloy pa rin ang kanyang pakikipag-usap kay Les Moonves ng CBS, ang parent network ng Showtime, para mapapayag si Mayweather na sagupain si Pacquiao.
Ang mga laban naman ni Pacquiao ay isinasaere ng HBO.
Pinapirma ng CBS/Showtime si Mayweather sa isang six-fight contract noong 2013.
Ayon kay Mayweather, ang huli niyang dalawang laban ay kanyang gagawin ngayong taon.
Samantala, pinabulaanan ni Arum na siya mismo ang humaharang sa pagtatakda ng banggaan nina Pacquiao at Mayweather.
Ito ang akusasyon sa kanya ni Atty. Franklin Gacal, ang legal counsel ni Pacquiao.
“Oh come on, (Gacal) hasn’t been Pacquiao’s lawyer for ages, believe me, he’s totally out of the loop,” ani Arum kay Gacal na sinasabing walang alam sa kasalukuyang negosasyon para maplantsa ang Pacquiao-Mayweather super fight.
Sinuportahan naman ni Michael Koncz, ang Canadian adviser ni Pacquiao, ang sinabi ni Arum.
“We’re still in negotiations with Floyd’s group through Top Rank,” sabi ni Koncz. (RCadayona)
- Latest