Umpisa na ang banggaang Alaska at Rain or Shine
Laro Ngayon (Mall of Asia Arena, Pasay City)
7 p.m. Rain or Shine vs Alaska
MANILA, Philippines – Ibang Calvin Abueva na ang nakikita ng mga fans sa kasalukuyang 2014-2015 PBA Philippine Cup.
Mula sa maastig na produkto ng San Sebastian Stags ay naging mahinahon at kalmado na ang 6-foot-2 power forward ng Alaska.
Nang tanungin kung ano ang kanyang masasabi sa best-of-seven semifinals series ng Aces at Rain or Shine Elasto Painters, maikli lamang ang isinagot ni Abueva.
“Siguro mas hihigpitan namin ‘yung depensa namin against Rain or Shine. Iyong limang nasa loob (ng court) walang bibitaw doon,” sabi ni Abueva.
Masusukat ang pasensya ni Abueva sa pagsagupa ng Alaska sa Rain or Shine sa Game One ng kanilang semifinals showdown ngayong alas-7 ng gabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Itinakda ng Aces ang pagharap sa Elasto Painters sa semis matapos sibakin ang Meralco Bolts, 87-69, sa pangalawang knockout stage ng quarterfinals noong Linggo.
Naalala pa ni point guard JVee Casio ang nangyari sa banggaan ng Alaska at Rain or Shine sa Game Four sa semifinals series ng nakaraang PBA Governors’ Cup.
Sa huling minuto ng fourth quarter ay nadulas si Casio para sa isa sanang fastbreak layup.
“Tapos na ‘yun. It’s a new conference now. We got to prepare hard kasi gusto naming manalo,” wika ni Casio na hindi na nakalaro sa Game Five kung saan nanalo ang Elasto Painters sa Aces.
Aminado si Casio na mahihirapan ang Alaska sa Rain or Shine, ibabandera sina Paul Lee, Jeff Chan, Beau Belga, Ryan Araña at JR Quiñahan.
“Alam naman namin na very strong ang Rain or Shine. Pero ang key lang sa amin is ‘yung laro namin talaga,” wika ng produkto ng La Salle Green Archers. “It’s a series, so that’s what we’re looking for. We just want to get to the Finals.”
Maliban kina Abueva at Casio, aasahan rin ng Alaska sina Cyrus Baguio, Sonny Thoss, Vic Manuel at beteranong si Eric Menk.
Ang Elasto Painters ang unang koponang kumuha sa isa sa dalawang automatic semifinals berth matapos ilista ang 9-2 record.
“Kailangan ‘yung pahinga, pero hindi puwedeng mawala sa kondisyon,” sabi ni Belga sa Elasto Painters.
- Latest