Humihirit uli si Mayweather
MANILA, Philippines - Posibleng may isa na namang taktika si Floyd Mayweather, Jr. para maiwasan ang inaaba-ngang sagupaan nila ni Manny Pacquiao.
Ayon sa isang report, sinasabing ipinipilit ng 37-anyos na si Mayweather ng malaking parte sa kikitain ng potensyal nilang paghaharap ng 35-anyos na si Pacquiao sa susunod na taon.
Ngunit wala itong katotohanan, ayon kay Bob Arum ng Top Rank Promotions matapos makausap si Les Moonves, ang chairman ng CBS na mother company ng Showtime kung saan may eksklusibong kontrata si Mayweather.
Si Mayweather ay pumirma sa isang six-fight contract sa CBS/Showtime at may natitira pang dalawang laban.
“Base on my conversation, this is inaccurate,” wika ni Arum.
Ang hatian sa prize money ang isa sa mga naging dahilan ng pagbagsak ng naunang negosasyon para sa Pacquiao-Mayweather super fight.
Kung itatakda ang banggaan ng Filipino world eight-division champion at ng American five-division titlist ay mangangailangan ang boxing promotion ng $200 milyon.
Kamakailan ay nag-alok ng isang promoter mula sa UAE na si M. Akbar Muhammad ng $110 milyon kay Mayweather para labanan si Pacquiao at pinagsamang $200 milyon upang maitakda ang naturang mega bout sa United Arab Emirates.
Ngunit hindi ito kaagad pinaniwalaan ni Arum.
“I’m not paying any attention to it. Until they get Mayweather, there is no reason to,” sabi ng 82-anyos na si Arum.
May balitang kapag naipilit ni Mayweather ang malaking parte sa kikitain ay may panibago pa itong demand na maaaring ikasira uli ng negosasyon.
- Latest