5-0 puntirya ng Hapee
MANILA, Philippines – Matapos mapahinga sa loob ng siyam na araw, magbabalik sa aksyon ang Hapee Fresh Fighters upang harapin ang Cebuana Lhuillier Gems sa PBA D-League Aspirants’ Cup sa pagdako ng aksiyon ngayon sa Tip Gym sa P. Casal, Manila.
Ang laro ay magsisimula sa ganap na ika-2:00 ng hapon at pakay ng Fresh Fighters ang maisulong ang malinis na karta sa 5-0.
Sa ikalawang laro dakong alas-4 ng hapon, balak ng Café France na sungkitin ang ikaapat na panalo sa limang laro laban sa bumababang Tanduay Light Rhum Masters.
May 3-1 baraha ang Bakers pero galing sila sa pag-lasap ng kanilang unang pagkatalo sa kamay ng Cagayan Valley Rising Suns na nagpatikim sa kanila ng 84-89 double overtime loss.
Sa kabilang banda, ang Rhum Masters ay magtatangka na putulin ang tatlong sunod na kabiguan matapos manalo sa unang laro para hindi masama sa tatlong iba pang koponan na nasa huling puwesto.
Mabigat ang hamong haharapin ng Hapee dahil maglalaro sila na hindi kasama ang mga players ng San Beda Red Lions na may laban pa sa Finals ng Philippine Collegiate Champions League (PCCL).
Dahil dito, aasahan ni coach Ronnie Magsanoc ang galing nina Bobby Ray Parks Jr. at Garvo Lanete kasabay ng pag-asang maitataas pa nina Troy Rosario, Kirk Long, Earl Scottie Thompson at Arnold Van Opstal ang kanilang ipakikita para maisantabi ang hangad na pagpapatikim ng unang pagkatalo ng Gems.
Papasok ang tropa ni coach David Zamar mula sa 77-57 pagdurog sa Tanduay sa larong nakitaan ng mainit na laro ang mga bench players na sina Kevin Ferrer at Mar Villahermosa nang magsanib sa 27 puntos. (AT)
- Latest