Susunod na laban ni Donaire balak gawin dito sa Pinas
MANILA, Philippines – Sa Pilipinas balak gawin ng Top Rank Promotions ang susunod na laban ni dating four-division titlist Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr. sa susunod na taon.
Ito ang inihayag ni Top Rank promoter Bob Arum sa panayam ng ESPN.com kaugnay sa plano niya para sa 2012 Fighter of the Year awardee na si Donaire (33-3-0, 21 KOs).
“He wants to fight in the Philippines. We’re going to see if we can book him in a fight in March,” wika ni Arum sa 31-anyos na tubong Talibon, Bohol na si Donaire na nakabase ngayon sa United States.
Naisuko ni Donaire ang kanyang suot na World Boxing Association (WBA) featherweight world title matapos makalasap ng sixth-round knockout kay super featherweight king Nicholas Walters ng Jamaica noong Oktubre 18.
Huling lumaban si Donaire, lumaki sa Northern California, sa Pilipinas noong Abril ng 2009 nang pabagsakin niya si Raul Martinez sa fourth round para mapanatiling suot ang kanyang world flyweight title.
Sinabi ni Arum na sa kanyang pagdating sa Macau, China sa susunod na linggo para sa banggaan nina Manny Pacquiao at American challenger Chris Algieri sa Nobyembre 23 ay kakausapin niya ang mga executives ng Filipino television network na ABS-CBN para sa paglaban ni Donaire sa Pilipinas.
Idinagdag ni Arum na malaki ang posibilidad na bu-malik si Donaire sa light featherweight division. (RC)
- Latest