May OTB na sa casino
MANILA, Philippines – Asahan ang paglaki pa ng sales sa horse racing industry ngayong nakapasok na ang industriya sa casino.
Ang Solaire Resorts and Casino ay naglagay na ng OTB (off-track betting) outlet sa pakikipagsanib-puwersa sa Manila Jockey Club Inc. na nagmamay-ari sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Malaking bagay ito sa itinutulak ng Philippine Racing Commission (Philracom) para mahikayat ang mga tao o ibang sektor na pumasok sa horse racing.
“The industry needs this kind of promotion,” wika ni Philracom chairman Angel L. Castano, Jr.
Matagal nang itinulak ang proyekto na makipag-tie-up sa mga casino sa bansa dahil naririto sa lugar na ito ang mga taong puwedeng gamitin ang horse racing para maglibang ng oras o habang naghahanap ng ibang mapaglalaruan.
“Ang mga taong tumataya sa table na medyo hindi sinusuwerte ay puwedeng magpalamig sa karera. Hindi naman kalakihan din ang kailangang puhunan pero puwedeng maging libong piso ang balik nito,” pahayag pa ni Castano.
Umaasa ang Philracom na ang ibang racing clubs sa bansa ay makahanap din ng mga puwedeng pagtayuan ng mga OTB sa ibang pribadong establisimyento na tiyak na makakatulong para lumakas din ang sales ng kanilang mga racing clubs.
Ang Santa Ana Park sa Naic, Cavite na pinatatakbo ng Philippine Racing Club Inc. (PRCI) at Metro Turf sa Malvar, Batangas na pag-aari ng Metro Turf Club Inc. ang dalawang iba pang racing clubs na nagpapakarera.
Unti-unting bumabalik ang sigla sa pangangarera matapos ang mga repormang ginawa ng kasalukuyang Komisyon.
Noong nakaraang taon ay pumalo sa P7,780,482,078.00 ang kabuuang kinita ng horse racing industry na mas mataas kumpara sa P7,553,371.052.00 na tinabo noong 2012.
Malaki ang paniniwala ng Philracom na mahihigitan ang naitala noong 2013 ng kasalukuyang taon dahil na rin sa pagtaas ng suporta ng bayang karerista kahit tatlo na ang racing clubs sa bansa. (AT)
- Latest