Low Profile umangat ng husto
MANILA, Philippines - Kinapitan ng kabayong Low Profile ang panalo sa 2014 Philracom Chairman’s Cup para malagay sa ikatlong puwesto sa palakihan ng premyong napanalunan ng mga pangarerang kabayo matapos ang buwan ng Setyembre.
Kumabig ang kabayong pag-aari ni Ruben Dimacuha ng P1.2 milyon nang pagharian ang 1,600-metro karera para pagningningin ang dalawang panalo na naitala sa nagdaang buwan upang lumundag ito mula sa pang-anim na puwesto matapos ang buwan ng Agosto.
Sumipa na sa P3,149,683.72 ang premyong nahagip ng nasabing kabayo mula sa anim na panalo, dalawang segundo at isang tersero puwestong pagtatapos.
Una pa rin ang Kid Molave sa talaan sa P5,534,089.04 mula sa apat na panalo, tampok ang pagwawalis sa 2014 Triple Crown Championship.
Bakasyon pa rin ang kabayo sa nakaraang buwan pero hindi pa rin inabot ang kanyang marka dahil ang Pugad Lawin ay nanatiling nasa malayong ikalawang puwesto sa P3,248,634.73 premyo na nakuha mula sa apat na panalo, isang tersero at dalawang kuwarto puwestong pagtatapos.
Ang mga stable mates na Malaya, Hagdang Bato at King Bull ay nasa ikaapat hanggang ikaanim na puwesto.
May P2,931,154.56 ang napanalunan na ng Malaya sa walong panalo at tig-isang segunda at tersera puwestong pagtatapos.
Pumalo sa P2,432,209.56 ang kita ng back-to-back Horse of the Year Hagdang Bato sa limang panalo at isang segundo puwesto habang ang King Bull ay may P2,423,181.14 premyo mula sa limang panalo, limang segundo at isang tersero puwesto.
Ang Crusader’s Son ay mayroong P1,888,900.58 bitbit ang 10-7-5-0, ang Kanlaon ay mayroong P1,861,409.78 (4-5-2-1), ang Karapatan na may pinakamaraming panalo na 12 bukod sa isang segundo puwesto ay kumabig ng P1,722,232.73, at ang Poetic Justice ay mayroong P1,622,228.74 (10-4-4-3) para sa ikapito hanggang ika-sampung puwesto. (AT)
- Latest