Hindi lang mga kabayo kungdi pati mga hinete ang magbibida
MANILA, Philippines - Hindi lamang ang mga mahuhusay na kabayo ang pupukaw ng atensyon sa malalaking karerang paglalabanan sa Linggo kungdi maging ang mga hinete.
Ang Metro Turf Club sa Malvar, Batangas ang siyang pagdarausang pista ng anim na malalaking races, tampok ang tatlong stakes races na sinahugan ng P1.5 milyong gantimpala.
Ang mga ito ay ang PCSO Anniversary Cup sa 1,600-metro distansya, ang Philracom Sampaguita Stakes Race sa 1,800-metro distansya at Don Juan Derby sa 2,000-metro karera.
Sa tatlong major races na ito ay makikita ang pagtutuos ng mga premyadong hinete sa pangunguna nina Jonathan Hernandez at Jessie Guce na siya ring mga nasa unang dalawang puwesto sa tagisan para sa Jockey of the Year.
Si Hernandez na pumapangalawa kay Guce sa nasabing parangal ang gagabay sa Hagdang Bato at Malaya sa PCSO at Philracom sponsored races at inaasahang patok na mananalo at hahablutin ang P900,000.00 unang gantimpala.
Ngunit handang manilat si Guce na inaasahang sasakyan ang Pugad Lawin sa PCSO race at siyang didiskarte sa Marinx na inaasahang palaban sa Don Juan Derby.
Ang panlaban ni Hernandez sa Derby ay ang Guel Mi.
Magkakaroon pa ng tatlong stakes races na Klub Don Juan Juvenile Fillies at Colts at Don Antonio Floirendo Sr. Golden Girls na sinangkapan ng tig-P500,000.00 gantimpala at ang mananalo ay mag-uuwi ng P300,000.00 premyo.
Ginugunita sa taong ito ang ika-13th anibersaryo ng pagkakatatag ng Don Juan de Manila at ang selebrasyon ay magsisimula ngayon sa paglalatag ng 13 Trophy races at magbibigay ng dagdag premyo sa mananalo para matiyak na palaban ang mga kasaling kabayo. (AT)
- Latest