Posibleng labanan ni Mayweather si Pacquiao sa 2015
MANILA, Philippines - Ang isa sa huling dalawang magiging laban ni Floyd Mayweather, Jr. sa 2015 ay kontra kay Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao.
Ito ang paniniwala ni Floyd Mayweather, Sr. sa plano ng kanyang anak para sa susunod na taon.
“It’s gonna happen. That fight’s gonna happen. Trust me,” paniniyak ni Floyd Sr. sa Pacquiao-Mayweather mega showdown sa panayam ng Fight Hype.com.
Tatlong beses bumagsak ang negosasyon para sa nasabing super fight dahil sa mga isyu sa pagsailalim sa Olympic-style drug at blood testing at hatian sa prize money.
Pumayag na ang 35-anyos na si Pacquiao (56-5-2, 38 KOs) sa naturang mga kondisyon para lamang maplantsa ang kanilang laban ng 37-anyos na si Mayweather (47-0-0, 26 KOs).
“That fight’s definitely gonna happen. It’s a fight for the world, man, right there. It’s the biggest fight that has ever been in life, so like I said, man, that fight’s gonna happen,” sabi ni Floyd Sr.
Sinabi kamakailan ni Mayweather na dapat munang talunin ni Pacquiao si American challenger Chris Algieri (20-0-0, 8 KOs) sa Nobyembre 22 bago sila mag-usap.
Nakatakdang itaya ni Pacquiao ang kanyang suot na World Boxing Organization (WBO) welterweight crown laban kay Algieri sa The Venetian sa Macau, China.
Kasalukuyan nang nasa maigting na preparasyon si Pacquiao sa General Santos City kasama sina chief trainer Freddie Roach at strength and conditioning coach Justine Fortune. (RCadayona)
- Latest