Systema nakatikim ng panalo
MANILA, Philippines – Sa ikalawang sunod na laro ay napaabot ang Systema Active Smashers sa limang sets pero sa pagkakataong ito ay sila ang nanaig sa FEU Tamaraws, 14-25, 25-18,19-25, 25-9, 15-9, sa pagpapatuloy ng Shakey’s V-League Season 11 Foreign Reinforced Conference men’s division kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Lumabas ang pagi-ging beterano ng Active Smashers sa huling dalawang sets upang makabangon agad matapos ng five-sets na pagkatalo sa IEM Volley Masters sa unang asignatura sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s bukod sa tulong pa ng Mikasa at Accel.
May 18 hits si Christopher Antonio mula sa 13 attacks, 4 excellent blocks at isang service ace habang sina Salvador Depante at Patrick John Rojas ay may siyam at walong hits.
May 10 kills at dalawang blocks si Greg Dolor para sa Tamaraws na hindi nasakyan ang magandang ipinakita sa ikatlong set para hawakan ang 2-1 kalamangan.
Nawala ang focus ng collegiate team nang ilabas ng Systema ang lakas sa net para lasapin ang unang kabiguan sa double-round robin elimination. (AT)
- Latest