Malaya masisilayan ang galling sa 2014 Philracom Sampaguita Stakes
MANILA, Philippines - Makikita uli ang galing ng Malaya sa pagtakbo nito sa 2014 Philracom Sampaguita Stakes Race sa Oktubre 12 sa Metro Turf Club sa Malvar, Batangas.
Sariwa ang kabayong sinasakyan ni Jonathan Hernandez para sa horse owner na si Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos sa pagkapanalo sa Lakambini Stakes Race noong nakaraang buwan na ginawa rin sa ikatlong racing club sa bansa.
Tinalo ng Malaya ang Marinx sa karerang pinaglabanan sa mahabang 1,800-metro distansya na siya ring distansyang paggaganapan ng karera.
Inaasahang mapapalaban sa pagkakataong ito ang Triple Crown veteran dahil kasamang tatakbo ay ang Cat’s Diamond bukod pa sa Morning Time, Queen Quaker at Spring Collection.
Mainit din ang Cat’s Diamond na papasok sa laban dahil masasabing gamay niya ang race track ng Metro Turf. Patunay nito ay ang panalong kinuha sa apat na huling takbo para paniwalaan na siya ang makakaribal ng Malaya.
Ang maaaring magbigay ng pabor pa sa Malaya ay ang ipinataw na 56-kilos handicap weight sa Cat’s Diamond at mas mabigat ito ng apat na kilos sa inaasahang mapapaborang kabayo.
Tiyak na ikinondisyon nang husto ng mga handlers ang iba pang kasaling kabayo para makubra ang P900,000.00 unang gantimpala mula sa P1.5 milyong kabuuang premyo na inilagay ng Philippine Racing Commission (Philracom).
Magbubulsa din ang breeder ng mananalong kabayo ng P60,000.00 gantimpala.
Ang papangalawang kabayo ay may P337,500.00, ang papangatlo ay may P187,500.00 habang P75,000.00 ang bibitbitin ng papang-apat sa datingan.
Ang Sampaguita Stakes ay isa sa tatlong malalaking karera na gagawin sa araw na ito para matiyak ang mainit na suporta ng mga tao sa industriya.
Kasabay na ilalarga ay ang PCSO Anniversary Race at ang Klub Don Juan Derby. Parehong may tig-P1.5 milyong gantimpala ang dalawang stakes races na nabanggit kaya’t makakaasa na lahat ng magtatagisan ay palaban na magtitiyak na balikatan ang tagisan.
- Latest