Hindi na masama Ang ipinakita ng Phl Team
INCHEON, South Korea -- Para kina Chief of Mission at Philippine Sports Commission (PSC) chairman Ricardo Garcia, hindi na masama ang ipinakita ng Team Philippines sa Asian Games na natapos kahapon.
Mag-uuwi ang 150-atletang inilaban ng Pinas ng 15 medalya-- isang ginto, tatlong pilak at 11 bronze medals matapos ang 16-araw na kompetisyon.
Tanging si BMX rider Daniel Caluag ang nakasungkit ng gintong medalya para hindi mabokya ang Pinas sa gold medal.
Ngunit sa kabuuan ng medal standings, ang Pilipinas ay nagkasya lamang sa ika-22 puwesto at lumabas na nasa ikapito lamang sa hanay ng mga South East Asian countries.
Ito na ang ikatlong pinakamababang medal output sa kasaysayan ng pagsali ng Pilipinas sa Asian Games mula pa noong 1951 at ang kabuuang bilang ng hinakot na medalya ay pinakamababa mula noong 1994 Hiroshima Games.
Ang pinakamasamang marka ng bansa sa quadrennial meet na ito ay nangyari noong 1975 sa Tehran nang walang naiuwing gintong medalya ang de-legasyon pero mayroong dalawang pilak at 11 bronze medals. Ang ikalawang pinakamababa ay naganap noong 1990 sa Beijing, China sa 1-2-7 gold-silver-bronze medals.
Ang delegasyon na inilaban sa Hiroshima ay mayroong kabuuang 13 medalyang napanalunan pero tatlo rito ay mga gintong medalya.
Aminado si Garcia na kinapos ang koponan na maabot ang target na tatlong gintong medalya na nakuha sa Guangzhou, China noong 2010 pero hindi nangangahulugan na bigo o nagsayang lamang ng pera ang Pilipinas.
“I’m very happy with the results even if we expected more gold medals,” wika ni Garcia. “We were deprived of at least 2 of 3 more golds.”
Ang mga boxers na sina Mark Anthony Barriga at Ian Clark Bautista ay nabiktima ng masamang jud-ging sa boxing competition na kung naging patas sana ay posibleng nagresulta sa dalawa pang gintong medalya na sasapat sana sa kanilang target.
“Our athletes gave it all. They represented the country well,” dagdag pa ni Garcia.
Pinuri man ang mga atleta, kikilos din ang PSC at rerebisahin ang nangyari sa paghahanda at partisipasyon ng mga National Sports Associations (NSAs) upang maitama ang ibang pagkakamali lalo pa’t sa Hunyo, 2015 ay sasalang uli ang bansa sa SEA Games sa Singapore.
Sumali ang Pilipinas sa 25 sa kabuuang 35 sports na pinaglabanan pero anim lamang ang naghatid ng medalya at ito ay ang archery, boxing, cycling, karate, taekwondo at wushu.
Bukod kay Caluag, ang iba pang medalists ng Pilipinas ay sina Charly Suarez – boxing, Jean Claude Saclag – wushu sanda at Daniel Parantac wushu taolo na kumopo ng silver; Paul Marton dela Cruz – archery, Barriga, Mario Fernandez, Wilfredo Lopez – boxing, Benjamin Keith Sembrano, Samuel Morrison, Mary Anjelay Pelaez, Levita Ronna Ilao, Kirstie Elaine Alora – taekwondo, Mae Soriano – karatedo at Francisco Solis – wushu sanda na mag-uuwi ng bronze.
- Latest