Gilas players nag-iyakan, may ‘di kumain pero nagutom
INCHEON, South Korea – Nakita natin ang masakit na pagkatalo ng Gilas sa Korea, 95-97 noong Sabado ng gabi.
Nakita natin na malungkot silang umalis ng court at inaalo ang bawat isa matapos malasap ang ikatlong sunod na kabiguan na naglagay sa kanila sa alanganin sa kampanya sa basketball competition ng kasalukuyang 17th Asian Games.
Hirap silang ngumiti sa bawat litratong hiling ng mga fans.
Malungkot silang sumakay ng team bus.
Pagdating nila sa tinutuluyan sa Athlete’s Village, naramdaman ng husto ng buong koponan ang mas matinding sakit.
“Umiyak sila. Pati si Marcus (Douthit), maluha-luha na. Kung di napigilan, iiyak na din yun,” sabi ng isang source na nakakita ng post-game meeting ng Gilas na pinangunahan ni head coach Chot Reyes.
Hindi pinalaro si Douthit sa laro laban sa Korea na kaparusahan ni Reyes matapos ang kanyang malamyang ipinakita sa laro kontra sa Qatar.
Ilan sa mga Gilas players ay hindi kumain ng hapunan dahil walang gana.
Nakitang seryosong nagbubulungang nag-uusap sina Gabe Norwood at Jared Ryan Dillinger.
Gabi na natapos ang meeting.
Nang mag-uwian na ang mga tauhan ng Philippine secretariat, may mga players na nakaramdam ng gutom.
Naghanap sila ng makakain at tanging noodles at kanin na pinainit sa microwave ang kanilang pinagsaluhan.
Naibsan ang gutom, naibsan din kahit papaano ang sakit.
Ngunit matapos ma-bigong makapasok sa semis sa likod ng panalo sa Kazakhstan, siguradong hindi na naman naipinta ang kanilang mga mukha.
Pinaglaro si Douthit sa panalo ng Gilas kontra sa Kazakhstan kahapon, 65-67 pero hindi sapat ang kanilang 2-puntos na kalamangan para makausad sa semifinals.
Siguradong hindi na mapapawi ng mainit na noodles at kanin ang sakit na kanilang naramdaman.
Matapos ang impresibong kampanya sa World Cup, inasahan ang Gilas sa gold medal ngunit bigo silang maideliber ito at dismayado ang lahat.
- Latest