Archers may laban pa
MANILA, Philippines - Hindi pinahintulutan ni Jeron Teng na matapos na ang ginagawang pagdepensa ng titulo sa 77th UAAP men’s basketball ng La Salle Green Archers sa 94-73 panalo sa FEU Tamaraws kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nalimitahan sa walong puntos sa 2-of-11 shooting sa 60-65 iskor sa playoff noong Setyembre 21, si Teng ay tumapos ngayon bitbit ang 25 puntos mula sa 9-of-19 shooting at hindi sumablay sa limang buslo sa 15-foot line.
Ang panalo ay nagpuwersa sa match-up sa Final Four sa isang sudden-death sa Miyerkules sa Smart Araneta Coliseum.
“We really had to bounce back. We thought its too early for the seniors to end their UAAP careers,” wika ni Teng na ginarantiya rin na nakabangon na mula sa sakit na nagpahina sa kanya sa huli nilang laro.
Si Norbert Torres ay may 18 puntos sa 6-of-9 shooting, si Almond Vosotros ay may 17 at si Julian Sargent ay naghatid pa ng 11, kasama ang tatlong triples.
“We’re not thinking about it (elimination). I just told the players to make the most of the opportunity that is being given to us,” pahayag ni Archers coach Juno Sauler.
Lumamang agad ng 10 ang La Salle matapos ang unang yugto, 24-14, pero sa ikatlong yugto lalo pang pumukpok sa kinamadang 29 puntos tungo sa 63-47 bentahe papasok sa huling yugto.
May career high na 32 puntos si Mac Belo para sa Tamaraws pero si Mike Tolomia ay gumawa lamang ng pitong puntos sa 2-of-14 shooting,
Masuwerte pa ang FEU dahil bitbit nila ang twice-to-beat advantage para magkaroon pa ng isang pagkakataon upang makatapak ng Finals. (AT)
- Latest