May Bukas Pa tuluy-tuloy sa panalo
MANILA, Philippines - Walang naging problema ang kabayong May Bukas Pa nang dominahin ang karerang nilahukan noong Huwebes ng gabi sa Metro Turf Club sa Malvar, Batangas.
Pa-easy-easy lang ang May Bukas Pa sa alisan at hinayaan na mauna ang Conqueror’s Magic sa 1,400m Handicap Race 5.
Nasa malayong pangatlong puwesto ang May Bukas Pa sa pagdiskarte ni JD Juco pero nang magsimulang ipakita ng kabayo ang bangis nito ay iniwan na lamang ang mga katunggali.
Sa far turn ay una na ang May Bukas Pa bago inagwatan ng halos apat na dipa ang mga katunggali.
Rumemate mula sa ikaapat na puwesto ang Ballet Flats para pumangalawa sa datingan.
Outstanding ang May Bukas Pa para makapaghatid ng P5.50 sa win habang ang 2-3 forecast ay mayroong P14.00.
Nagpasiklab naman ang Kiss From A Rose na naipakita ang magandang kondisyon matapos pangunahan ang 3YO & Above Maiden Race sa 1,000-metro karera.
Nagsilbing follow-the-leader ang karera dahil hindi binitiwan ng kabayong sakay ni Mark Alvarez ang liderato kahit sinikap na pahirapan ng Glitter Express at Haring Bastos.
Nasuklian ang magandang ipinakita ng Kiss From A Rose dahil may gantimpalang P10,000.00 ang naiuwi ng tambalan sa kanyang connections.
Dehado ang nagwaging kabayo para makapaghatid ng P60.00 dibidendo habang ang pagsegunda ng Glitter Express para sa 1-8 forecast ay nabigay ng magandang P619.50.
Mahusay naman na ginamit ng Husso Porte ang balya para makuha ang panalo sa Imported Maiden race sa 1,200m distansya.
Ang Niccoicat ang naunang lumayo pero inabutan ng Husso Porte ito sa kalagitnaan ng karera matapos idaan ni jockey JA Guce ang kabayo sa maluwag na balya.
Sa rekta ay saka pinakawalan ni Guce ang kabayo tungo sa dominanteng panalo.
Pumangalawa ang Nicconicat ni EG Reyes para magkaroon ng P28.50 ang 1-4 forecast matapos ang P18.50 sa win. (AT)
- Latest