Phil bowlers nagbigay ng inspirasyon
INCHEON, Korea – Hindi pa man sumasalang sa kompetisyon ang mga pambatong bowlers ng bansa sa Asian Games ay may napagtagumpayan na silang mga laban.
Matapos tamaan ng sakit ng tiyan na naglagay sa panganib ng kanyang pag-lahok sa kompetisyon, nakarekober na si Enrico Lorenzo Fernandez.
“Okay na po ako, laban na po tayo,” sabi ni Fernandez matapos bantayan ng buong araw noong Linggo ng delegation doctors na sinugurong hindi siya made-dehydrated.
Nagsabi na si Fernandez sa Philippine secretariat na kaya na niyang mag-practice kahapon.
“He responded well to our treatment. He was also given intravenous fluid to keep him hydrated. It’s good that he’s up and about,” sabi ni delegation doctor Ferdinand Brawner.
Pinagsususpetsahan ang kinain ni Fernandez na itik sa Athletes’ Village dining hall, ayon kay Brawner.
Nauna rito, kinailangan namang suungin ni Liza Clutario ang bahang dulot ng bagyong Mario mula sa kanyang bahay sa Bulacan hanggang sa Ninoy Aquino International Airport noong Sabado para makaabot sa kanyang flight schedule.
Nilusong ni Clutario ang lagpas baywang na baha kahit nakasakay na siya sa pedicab sa NLEX sa tulong ng kanyang mga kapitbahay para mahabol ang kanyang flight.
Ang bowling competitions ay magsisimula ngayon sa Anyang Hogye Gymnasium at ito pa lang ang simula ng totoong laban nina Fernandez at Clutario.
- Latest