Ika-2 stakes win ng Malaya kay Jockey Hernandez
MANILA, Philippines - Sa pagbalik kay joc-key Jonathan Hernandez, nakuha ng kabayong Malaya ang ikalawang stakes win sa taon nang dominahin ang PCSO Derby Race noong Linggo sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Pinaglabanan ang karera sa 1,600-metro distansya at may limang kabayo ngunit apat ang opisyal na bilang na nag-laban at naipalabas ni Hernandez ang bangis ng Malaya na naunang nagkampeon sa 1st leg ng Hopeful Stakes Race.
Napaboran sa karera ang Tap Dance na hawak ni Jessie Guce pero ang Malaya ang siyang nagdala ng liderato mula sa pagbubukas ng aparato tungo sa banderang tapos.
Slight favorite ang Tap Dance na lahok ni Leonardo ‘Sandy’ Javier Jr. pero nahirapan ito sa matuling ayre na naipakita ng Malaya na tumakbo kasama ang coupled entry na Fire Bull ni KB Abobo para sa kuwarda ni Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos.
Sumali ito sa ikalawa at ikatlong yugto ng Triple Crown Championship ngunit di ito tumimbang.
Naorasan ang nanalong kabayo sa matuling 1:38 mula sa kuwartos na 25’, 23’, 23’ at 25’ para maibulsa rin ang P800,000.00 unang gantimpala mula sa P1.5 milyon na inilaan ng nagtaguyod na Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Si Hernandez ay bu-malik sa kabayo matapos palitan ni Guce sa ikatlo at huling leg ng Triple Crown.
Ang pangalawang puwestong pagtatapos ng Tap Dance ay may P350,000.00 premyo habang ang nabugaw sa alisan na Manalig Ka ni John Alvin Guce ang pumangatlo para sa P200,000.00 premyo bago pumasok ang Fire Bull para sa P150,000.00 gantimpala.
Kulelat ang Wild Talk sa pagdadala ni Mark Alvarez para walang maiuwing premyo sa connections.
Nagpamahagi pa ang win ng P9.00 habang may P12.00 dibidendo ang liyamadong kombinasyon na 3-6 sa forecast.
Kasabay nanalo ang Yes Pogi sa class division 2 race sa1,200-metro distansya.
- Latest