Pugad Lawin iginiya ni JB Guce sa tagumpay noong Biyernes
MANILA, Philippines - Wala pa ring nagbago sa tikas ng Pugad Lawin nang pagharian ng kabayo ang sinalihang karera noong Biyernes ng gabi sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Si JB Guce pa rin ang dumiskarte sa nasabing kabayo sa ikalawang sunod na pagkakataon at hindi nagbago ang ipinakita ng Pugad Lawin tulad noong nagdomina ito sa huling sinalihan na PCSO Silver Cup noong nakaraang buwan.
Ikatlong panalo ito sa apat na takbo sa taon ng Pugad Lawin na tulad ng inasahan ay patok sa walong naglaban para maghatid ng P6.00 dibidendo sa win.
Pumangalawa ang second choice na Snake Queen at ang 4-8 forecast ay naghatid ng P10.50 dibidendo.
Samantala, dalawang imported at dalawang local horses ang magsusukatan sa 2014 Philracom Option Race na siyang tampok na karera sa pagtatapos ng isang linggong pista sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Ang La Furia Roja na mula New Zealand at hahawakan ni Jonathan Hernandez sa Oh Oh Seven na mula Australia ay gagabayan ni Fernando Raquel Jr. ang mapapalaban sa mga local horses na Captain Ball (CJ Reyes) at Penrith (Mark Alvarez) sa isang milyang karera.
Pinasarap ng Philippine Racing Commission ang labanan sa paglalagay ng P500,000.00 premyo at ang mananalo ay may P300,000.00 gantimpala.
May breeder’s purse na P15,000.00 kung ang mananalo ay isang local horse.
Ang Oh Oh Seven na lahok ni Hermie Esguerra ang siyang mapapaboran sa apat na maglalaban matapos pumangalawa sa third leg ng Philracom Imported/Local Challenge Race.
Lahat naman ng kasali ay may premyong maiuuwi dahil ang papangalawa ay magbubulsa ng P112,500.00, habang ang papangatlo at papang-apat ay may P62,500.00 at P25,000.00.
- Latest