UAAP cage wars hahataw ngayon
MANILA, Philippines - Bubuksan ngayon ng La Salle Green Archers ang kampanya para sa ikalawang sunod na titulo sa UAAP sa pagharap sa FEU Tamaraws sa Smart Araneta Coliseum.
Isang makulay na se-remonya para pormal na simulan ang 77th season ang matutunghayan sa ganap na ika-12 ng tanghali bago buksan ang aksyon sa men’s basketball ng pagtutuos ng host UE Red Warriors at UP Maroons dakong alas-2.
Ipaparada ng Warriors ang bagong coach sa katauhan ng beteranong si Derrick Pumaren at masisilip ang bagong lakas na taglay ng host team dahil sa pagpasok ni Arafat Moustapha upang may makapalitan si Charles Mammie.
Si Roi Sumang ang mananatiling kamador ng Warriors pero inaasahang may mahalagang papel na gagampanan sina Chris Javier at Gino Jumao-as para magkaroon ng kinang ang laban ng UE.
Hindi naman pahuhuli ang Maroons na hahawakan ni Rey Madrid at sasandal sa husay nina Henry Asilum, Kyles Lao, Mark Juruena at Miguel Reyes.
Solido pa rin ang line-up ng La Salle dahil tanging si LA Revilla lamang ang nawala sa kanilang starters.
Sina Jeron Teng, Jason Perkins, Norbert Torres, Almond Vosotros, Arnold Van Opstal, Thomas Torres at Yutien Andrada ay magbabalik para pagtibayin ang paghahabol ng back-to-back ni coach Juno Sauler.
“We know there will be pressure dahil lahat ng ibang teams ay kami ang target. But we’ve been preparing hard and we all help each other to minimize the pressure,” wika ni Teng na siya uli ang aasahan para sa mahalagang puntos tulad ni Vosotros.
“Mas matured din kami ngayon and the championship experience madadala namin this year,” dagdag pa nito.
Wala na sa FEU ang mga kamador na sina RR Garcia at Terrence Romeo pero solid pa rin ang koponan ni coach Nash Racela dahil naririyan pa rin ang mga malalaking sina Anthony Hargrove, Mark Belo, Bryan Cruz at Russel Escoto bukod pa kay Chris Tolomia at Roger Pogoy.
“Ang goal namin is to improve on our past performance,” pahayag ni Racela na sa unang taon sa bench ng FEU noong nakaraang taon ay naipasok ang koponan sa Final Four bago natalo sa La Salle. (AT)
- Latest