Pacquiao ‘di nagmamadali
MANILA, Philippines - Walang dapat ipagmadali kaugnay sa pagpili ng susunod na makakalaban ni Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao.
Ito, ayon kay Bob Arum ng Top Rank Promotions, ay dahil sa dami ng puwedeng ikunsidera para itapat kay Pacquiao sa Nobyembre 22 sa The Venetian sa Macau, China.
Puwede pang madagdagan ang mga nasa lista-han para ilaban sa 35-anyos na si Pacquiao matapos maresolbahan ang sigalot sa pagitan nina Arum at Oscar Dela Hoya ng Golden Boy Promotions.
Isa sa mga boksingero ni Dela Hoya na si Canelo Alvarez ang naunang ikinunsidera ni Arum para sagupain ang Sarangani Congressman.
Sinabi ni Arum na posibleng maihayag nila ang susunod na lalabanan ni Pacquiao sa Agosto.
Matapos matalo kina Timothy Bradley, Jr. at Juan Manuel Marquez noong 2012 ay dalawang sunod na panalo ang ipinoste ni Pacquiao noong 2013 laban kay Brandon ‘Bam Bam’ Rios at sa kanilang rematch ni Bradley noong Abril nitong taon.
Sa kanyang pagganti kay Bradley ay nabawi ni Pacquiao ang kanyang World Boxing Organization (WBO) welterweight crown na gusto sanang agawin ni Marquez.
Ngunit hindi pumayag sina Fernando Beltran ng Zanfer Promotions at chief trainer Ignacio Beristain na maitakda ang Pacquiao-Marquez V. (RC)
- Latest