Cajeras, Pangilinan nalo sa Batangas Active Chess
MANILA, Philippines - Nagsulong si St. Benilde bet Jerich Cajeras ng 3.0 points sa huling apat na rounds kasunod ang paggupo kay Jan Nigel Galan ng La Salle sa tiebreak para angkinin ang juniors crown, habang winalis ni top seed Stephen Rome Pangilinan ang kanyang apat na laro patungo sa pagsikwat sa kiddies trophy sa Shell Natio-nal Youth Active Chess Championship Southern Luzon leg sa SM City Batangas sa Batangas City noong Sabado.
Tinalo ng fifth-ranked na si Cajeras si Lyceum-Cavite pride Jonathan Jota sa sixth round, binigo si top ranked Daryl Samantila sa seventh round at nakipag-draw kina Galan at Kevin Arquero sa huling dalawang rounds para tumapos na may 8.0 points.
Pinayukod rin ni Galan si Jota sa final round para sa kanyang 8.0 points.
Ngunit nakamit ni Cajeras ang titulo dahil sa kanyang superior tiebreak score.
Sina Cajeras at Galan ang kumuha ng tiket para sa grand finals ng annual event na itinataguyod ng Pilipinas Shell.
Tumapos sina Samantila at Arquero na may magkatulad na 7.5 points, habang sina Christian Nazario, Kyz Llantada at Charles Abuzo ay nagsalo sa pang-lima sa kanilang pare-parehong 7.0 points.
- Latest