Gomez, GTK nag-usap ukol sa 2 PATAFA coach
MANILA, Philippines - Makakamit nina Joseph Sy at Rosalinda Hamero ang hangad na hustisya matapos tanggalan ng suporta ng Philippine Sports Commission (PSC).
Nagbunga ng positibo ang pagpupulong na ginawa nina PSC commissioner Jolly Gomez at PATAFA president Go Teng Kok noong Lunes nang pumayag ang commissioner-in-charge sa atletics sa kagustuhan ni Go na magkaroon ng imbestigasyon sa dalawang National coaches.
Naiparating ni Go kay Gomez na walang due process ang naibigay kina Sy at Hamero nang agad-agad na tinanggalan ng suweldo na nagkakahalaga ng tig-P20,000.00 kahit hindi pa binigyan ng pagkakataon na sagutin ang mga akusasyon sa kanila.
Si Sy ay inakusahan na mas matagal na namamalagi sa tanggapan ng PATAFA sa halip na samahan ang mga atleta sa pagsasanay habang si Hamero ay inakusahan na nameke ng mga papeles para maipasok ang mga hawak na atleta sa national team. Ang dalawa rin ay inakusahan na hindi nag-deliver sa Myanmar SEA Games dahil hindi nanalo ang hawak na atleta.
Ang pagpupulong ay hiningi ni Gomez at pinaunlakan ni Go na inatake ang PSC official dahil sa ginawang aksyon kina Sy at Hamero.
“Sinabi ko sa kanya na walang nangyaring due process sa mga coaches ko and he apologized. Sabi ko ay handa kong samahan ang mga coaches ko para sa investigation ng PSC. Kung hindi nila ma-justify ang kanilang actions, bahala na ang PSC sa kanila. Pero kung justified, dapat ibalik ang kanilang support,†wika ni Go.
Susulat si Go ng liham para iapela ang kaso kay PSC chairman Ricardo Garcia ngunit ang pagdinig ay maaaring mangyari sa susunod na linggo pa. (AT)
- Latest
- Trending