Fairy Star nagpasikat sa 3YO Maiden Race
MANILA, Philippines - Nagpasikat ang Fairy Star nang pangatawanan ang pagiging liyamadong kabayo na tumakbo sa 3YO Mai-den race noong Sabado sa Sta. Ana Park sa Naic, Cavite.
Sakay ngayon ni RR de Leon, hinirang ang kabayo bilang outstanding favorite matapos ang magandang ipinakita sa huling mga takbo sa juvenile races noong nakaraaang taon.
Pinakamataas na naabot ng kabayo ay pangalawang puwesto sa Philtobo Juvenile Championships noong Disyembre 15 at kumarera rin ang Fairy Star na noon ay hawak ni jockey Jeff Zarate, sa Philracom Juvenile Championships ngunit hindi ito tumimbang.
Ang dalawang premyadong karera para sa 2-YO horses ay parehong dinomina ng Kid Molave.
May 11 kabayo, kasama ang dalawang coupled entries ang nakalaban ng Fairy Star at hindi nasukat ang paboritong kabayo dahil dominado ng tambalan ang 1,300m karera.
Mahusay na ipinuwesto ni De Leon ang kabayo sa balya at kinuha agad ang liderato sa kaagahan ng karera bago tuluyang iniwan ang mga katunggali.
Ang True Steel na hawak ni NK Calingasan ang pumangalawa pero halos walong dipa ang layo nila ng nanalong kabayo.
Balik-taya ang dibidendo sa win (P5.00) habang ang forecast na 3-10 ay naghatid ng P11.00 dibidendo.
Hindi nawala ang tikas ng imported horse na Caramel habang nakuha ng Life Safer ang unang panalo sa horse racing sa iba pang karerang pinaglabanan.
Si Pat Dilema ang hinete ng Caramel na tinapos ang karera sa 2013 bitbit ang magagandang panalo sa huling tatlong takbo.
Naunang lumayo ang mga kabayong Seedacel at Game Changer pero hindi nasira ang diskarte ni Dilema sa Caramel na nag-init sa back stretch at sa huling 600m ng karera ay nasa unahan na.
Rumeremate ang Little Ms. Hotshot pero buo pa ang Caramel para manalo ng anim na dipa sa meta.
Nasa P5.00 din ang dibidendo sa win habang P10.50 ang ipinasok ng 3-5 forecast.
Kuminang din ang Life Saver na ipinakilala sa industriya sa isang Novato race noong Disyembre 21 sa nasabing karerahan at pumangalawa sa datingan.
Si Guce ang pinagdiskarte sa kabayo sa pagkaka-taong ito mula kay JB Cordova at napalabas ng class A jockey ang bangis ng kabayo nang dominahin ang 4YO and Above Maiden Race.
Tinalo nito ang Apo Express na tumakbo kasama ang coupled entry na Key Lever na siyang slight choice sa karera, para bigyan ang mga nanalig sa Life Saver ng P8.00 sa win at P23.50 sa 3-2 forecast.
- Latest