Pacquiao guest speaker sa PSA Awards
MANILA, Philippines - Si boxing great Manny Pacquiao ang magiging espesyal na panauhin at speaker sa pagkilala ng Philippine Sportswriters Association (PSA) sa mga pinakamahuhusay na Filipino athletes noong nakaraang taon sa pagdaraos ng Annual Awards Night sa Enero 25, 2014.
Ang pagdalo ng 35-anyos na eight-time world champion at congressman mula sa Sarangani ang inaasahang magpapakinang sa formal affair na magtatampok sa pagtatanghal sa PSA Athlete of the Year.
Ito ang ikalawang pagkakataon na tatayong guest of honor at speaker si Pacquiao sa taunang event matapos noong 2011 awards night.
Nakamit ni Pacquiao ang kanyang ikalawang termino sa Congress at nagmula sa paggulpi kay American Brandon Rios sa loob ng 12 rounds sa isang welterweight match noong Nobyembre 24 sa Cotai Arena sa Macau.
Iniluklok ang ring icon sa PSA Hall of Fame noong 2009 matapos mahirang na Athlete of the Year ng limang beses noong 2002 hanggang 2008.
Iginawad din ng grupo ng mga sportswriters at edi-tors mula sa national dailies at tabloids kay Pacquiao ang Athlete of the Decade noong 2010.
Inaasahang personal na igagawad ng future Hall of Famer ang Athlete of the Year award ng PSA sa pakikipagtulungan sa Smart Sports, Milo, Philippine Sports Commission, Air21, Globalport, Philippine Basketball Association, Accel, Philippine Amusement and Gaming Corporation at Rain or Shine.
- Latest