Hagdang Bato walang kupas
MANILA, Philippines - Wala pa ring ipinagbago ang tikas na taglay ng Hagdang Bato.
Nasungkit ng kabayong sakay ni Jonathan Hernandez para kay Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos ang kanyang ikaapat na panalo sa taon sa pamamagitan ng banderang-tapos sa mahabang distansya na 2,000-metro na SMB-MARHO Classic race kahapon sa San Lazaro Leisure Park.
Hindi kalebel ng Hagdang Bato ang tatlong nakalaban na minalas pang binigyan ng katulad na handicap weight na 57 kilos para tingnan na lamang ang pag-layo ng outstanding favorite na kabayo.
Walang hirap ang diskarteng ginawa ni Hernandez dahil hindi na niya kinailangang itulak ang kabayo o gamitan ng latigo dahil kusa itong lumayo habang papalapit sa meta.
Ang Native Land ang nagsikap na sabayan ang apat na taong colt na may lahing Quaker Ridge sa Fire Down Under ngunit naubos ito dahilan para malampasan pa ng Royal Jewels para sa ikalawang puwesto.
May 2:07 tiyempo sa kuwartos na 26’, 25’, 25’, 24 at 25’, ang Hagdang Bato para maiuwi ang P830,000.00 premyo mula sa P1.5 milyon na nakataya. Ang Action Sailor ang siyang pumang-apat sa dating sa four-horse race.
Halos sampung dipa ang layo ng Hagdang Bato upang mapangatawanan ang labis na pagtitiwala ng bayang karerista na humakot ng P700,207.00 sales sa kabuuang P716,752.00 sa Daily Double.
Ang magandang panalo ay senyales ng kahandaan ng Hagdang Bato.
- Latest