Señor Vito dinomina ang 3 Year Old Race
MANILA, Philippines - Nakapanggulat ang Señor Vito sa mga nakalaban nang dominahin ang 3-YO race na nilahukan nitong Miyerkules ng gabi sa Metro Turf sa Malvar, Batangas.
May isang buwan at kalahati nang huling manalo ang nasabing kabayo ngunit sa nasabing karera na inilagay sa 1,200-metro distansya, handa sa laban ang kabayo nang manguna ito mula simula hanggang matapos.
Si Rodeo Fernandez ang hinete ng nagwaging kabayo at ang Divine Eagle ang naunang sumukat sa husay nito sa pagbubukas ng aparato.
Humabol din ang Furniture King na hawak ni Jessie Guce pero hindi natinag ang kabayo ni Fernandez na humataw pa para manalo ng mahigit na limang dipa sa meta.
Ang Furniture King ang pumangalawa pa sa dati-ngan nang maungusan ang Fourth Dan bago tumawid sa meta ang Divine Eagle.
Dahil hindi napaboran, ang win ng Señor Vito ay nagkahalaga ng P30.50 habang nasa P228.00 ang dibidendo sa forecast na 2-4.
Hindi naman napahiya ang Diamondareforever na sinakyan ng apprentice jockey MS Lambojo na pina-ngatawanan ang pagiging liyamado sa Special Handicap race na inilagay sa 1,200-metro distansya.
Tatlong kabayo ang naglaban papasok sa rekta at kasabayan ng Diamondareforever ang Beautiful Miss at Exciting habang ang coupled entry ng nanalong kabayo na Smiling Julia ay dumarating na rin.
Ngunit sapat pa ang lakas ng Diamondareforever para iwanan ang mga katunggali para sa panalo.
Ang Exciting na sakay ni AB Serios ang puma-ngalawa bago tumawid ang Smiling Julia.
Kumabig pa ang mga nanalig sa husay ng Diamondareforever ng P5.50 sa win habang ang forecast na 6-1 ay may P16.00 dibidendo.
Pahinga ang karera ngayon bilang paggunita sa All Saint’s Day pero babalik ang aksyon bukas sa Metro Turf na maghahain ng 12 karera.
Tampok na karera ay ang 3-Year Old & Above na lalahukan ng anim na kabayo na Here And Beyond, The Legend, En Fiore, Hondamo, Best Discovery at Phantom’s Lane.
Ang mananalo ay magkakamit ng P10,000.00 na handog ng Philippine Racing Commission (Philracom).
- Latest