I Survived nakaligtas sa hamon ng 8-kalaban
MANILA, Philippines - Naalpasan ng kaba-yong I Survived ang hamon ng walong nakalaban para manalo bilang isa sa dehadong lumusot noong Lunes ng gabi sa Metro Turf Club sa Malvar, Batangas.
Si Kevin Abobo ang dumiskarte sa kabayo na noong Agosto 28 ay pumangalawa sa Intramuros sa nasabing race track.
Hindi naman inakalang makakasabay ang nasabing kabayo dahil nasa ikaanim na puwesto ito sa alisan habang agad na nagdomina ang mga kabayong White Ball, Shutler’s Treasure, Patricia’s Dream at Umbrella Girl.
Mahusay na ginamit ni Abobo ang maluwag na balya para makahabol at sa pagpasok sa huling liko ay nakasunod na sa Patricia’s Dream na hawak ni RO Niu at White Ball ni Rodeo Fernandez.
Inilabas pa ni Abobo ang kabayo at pagpasok sa huling 50-metro sa 1,400-metro distansyang karera ay umalagwa na para sa halos tatlong dipang panalo sa Patricia’s Dream.
Pangalawa sa dehadong kabayo ang I Survived na nanalo sa unang araw sa pitong araw na pista sa linggong ito matapos maghatid ng P48.00 ang win habang ang 2-7 dehadong forecast ay naghatid ng P253.50 dibidendo.
Ang long shot sa karerang ginawa sa bagong bukas na racing club na pag-aari ng Metro Manila Turf Club ay ang Self Made Man sa 3YO and Above Maiden race sa maigsing 1,000-metro distansya.
Si JAA Guce ang sumakay sa apat na taong kabayo na lumutang ang husay sa walong iba pang katunggali.
Umalagwa agad ang kabayo sa pagbubukas ng aparato pero nakauna pa ang En Fiore sa unang kurbada.
Nagdikta ang tatlong taong kabayong sakay ni FN Ortiz hanggang sa pagbungad sa rekta na kung saan humataw na ng todo ang Self Made Man tungo sa solong pagtawid sa meta.
Kinapos naman ang En Fiore sa hamon ng Phantom’s Lane na tumakbo kasama ang coupled entry na Far Lane Sailing para makuha ang ikalawang puwesto.
Pumalo sa P50.00 ang dibidendo sa win ng Self Made Man habang maganda ring P360.50 ang ipinamahagi sa 1-5 forecast.
- Latest