Paul nahalal na presidente ng NBA players union
MANILA, Philippines - Dati ay mga veteran players na role players na lang sa isang NBA team ang namumuno sa players union.
Tapos na ang mga panahong ito dahil sa unang pagkakataon matapos ang mahigit isang dekada, isang lehitimong All-Star na aktibo pa sa paglalaro at inaasahan ng kanyang team, ang nahalal bilang president.
Inihalal si Los Angeles Clippers point guard Chris Paul bilang NBPA president nitong Miyerkules sa meeting ng unyon sa Las Vegas, ayon sa source ng USA TODAY Sports.
Ibinigay kay Paul, dating NBPA vice president ng players union ang pagmamando sa grupo sa tamang direksiyon. Papalitan ni Paul si Derek Fisher, natapos na ang term na nagkaroon ng kontrobersiya na naging dahilan para sibakin si Billy Hunter, ang longtime exe-cutive director ng unyon noong Pebrero.
May mga isinampang kaso si Hunter laban sa NBPA at kay Fisher sa Los Angeles County Superior Court.
Kinumpirma ang balita ng National Basketball Players Association na binati si Paul sa kanilang Twitter account.
Malaking hakbang ito para sa positibong direksiyon ng unyon na naapektuhan ang finances ng nakaraang lockout at ang pagkakaroon ng lehitimong sikat na player tulad ni Paul na kakatawan sa mga players ng liga ay magbibigay ng bigat sa posisyon.
Si Patrick Ewing ang huling sikat na player na naging pinuno ng unyon at natapos ang kanyang term noong 2001.
Iniulat na nagtangka si LeBron James na maging president ng unyon ngunit umatras ito. Inaasahang maririnig ang boses ni James dahil malapit silang magkaibigan ng Paul off the court. Ang dalawa ang laging nagsasalita sa mga meeting noong panahon ng lockout para makakuha ang unyon ng magandang deal.
Hinangad din diumano ni Roger Mason ang position bago ang naganap na botohan noong Miyerkules ngunit wala pa rin siyang team sa susunod na season at bagama’t naging involve ito sa mga usapin sa unyon, mahirap lumaban sa tulad ni Paul na may experience at star power. Gayunpaman, may role pa rin ito sa unyon matapos mahalal bilang first vice president.
- Latest