Steeplechaser Mangsat agaw-eksena sa PNG
MANILA, Philippines - Gumawa ng eksena ang isang tubong Baguio City sa pagsisimula ng athletics competition sa 2013 PSC-POC National Games kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Sinira ni Jessa Mangsat, nag-aaral sa University of Baguio, ang National record sa women’s 3,000-meter steeplechase matapos magposte ng bagong markang 11 minuto at 25.70 segundo para sikwatin ang gold medal.
Ang nasabing oras ni Mangsat ang bumasag sa lumang National mark na 11:28.54 na nagawa ni Jean Palencia ng University of Santo Tomas noong 2009 sa UAAP track and field competition.
Inungusan ni Mangsat para sa gold medal sina Jennismyll Magbunga ng FEU (11:43.15) at Flordeliza Donos (11:56.90).
Sa kanyang record-breaking performance, malakas ang pag-asa ni Mangsat na mapasama sa National team na ilalahok sa darating na Southeast Asian Games sa Myanmar sa Disyembre.
Sinamantala naman ni Katherine Santos ng Baguio City ang hindi pagsali ni Olympian Marestella Torres sa women’s long jump nang lumundag ng 5.66 metro para kunin ang gintong medalya.
Tinalo ni Santos sina Felyn Dolloso (5.42m) ng Run for Change team at Joy Albinio (5.30m) ng University of Santo Tomas.
Si Torres, kagaya ni 3,000m steeplechaser Rene Herrera, ay may iniindang injury.
Sa hindi pagsabak ni Herrera, pinagharian ni Christopher Ulboc ng Run for Change team ang men’s 3,000-m steeplechase sa bilis na 9:05.65.
Sumikwat ang 22- anyos na si Ulboc ng Tangub, Misamis Occidental ng apat na gintong medalya sa isang UAAP season para sa Far Eastern University.
Kinuha ni Rosie Villarito ang gintong medalya sa women’s javelin throw nang maghagis ng layong 48.55 metro, samantalang nagreyna sa women’s high jump si Joeann Bermudo matapos tumalon ng 1.59 metro.
- Latest