Psst Taxi nakaungos
MANILA, Philippines - Tinuhog ng Psst Taxi ang unang panalo sa taon na nangyari noong Martes ng gabi sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Isang class division 6 sa 1,300m inilagay ang karera na nilahukan ng walong kabayo at ang panalo ay para pangatawanan ng kabayo ang pagiging liyamado.
Umarangkada ang Psst Taxi upang abutan ang Queen Of Class at Nice sa meta.
Dikit-dikit na tumawid ang tatlong nabanggit na kabayo pero nauluhan ng Psst Taxi ang Nice bago sunod na tumawid ang Queen Of Class.
Halagang P7.00 ang ibinigay ng panalo ng Psst Taxi na paborito makaraang magtapos sa ikalawang puwesto sa stakes race na nilahukan noong Marso 24.
Dehado ang Nice sa bentahan kaya’t kumabig ang mga dehadistang nakakuha ng 7-6 kumbinasyon sa forecast ng P116.00 dibidendo.
Ang kabayong nagpasaya sa mga dehadista ay ang Dugo’s Paramour na siyang lumabas bilang longshot sa pista na ginawa sa race track na pag-aari ng Manila Jockey Club Inc.
Nasa kondisyon ang Dugo’s Paramor na sakay ni apprentice jockey Dar De Ocampo nang napangatawanan ang maagang paghawak sa liderato sa pinag-labanang karera.
Taglay ang pinakamagaang handicap weight na 51 kilos, ang di inaasahang panalo ng limang taong filly na may lahing Michael Da Dragon at Meet Me At Nine ay nagkahalaga ng P63.00. Nasa P277.50 ang dibidendo sa forecast na 4-5.
Nasundan pa ang panalong ito ng pagpapasikat pa ng apprentice rider na si RV Leona nang madala nito sa panalo ang West Dream sa race four na class division 3 sa 1,400m distansya.
Tinalo ng nasabing kabayo ang Admiral Contender para makapaghatid ang 6-5 forecast ng P387.00 matapos ang P17.00 sa win.
- Latest






















