Alaska asam ang playoffs sa pagharap sa Petron
MANILA, Philippines - Bukod sa solo lead, lugar sa playoffs ang target ng Alaska sa pakikipagharap nito laban sa Petron Blaze sa pagpapatuloy ngayon ng PBA Commissioner’s Cup sa Smart Araneta Coliseum bago mag break ang liga para sa Holy Week.
Makakaharap ng Aces ang Boosters sa alas-7:30 ng gabi pagkatapos ng alas-5:15 ng hapong laro ng Globalport at Meralco.
Magkatabla sa liderato sa team standings ang Alaska at Rain or Shine sa kanilang parehong 7-3 na panalo-talo at nakasunod sa kanila ang 6-3 record ng Petron Blaze.
Parehong galing sa talo ang Aces at Boosters na nais ding pag-ibayuhin ang kani-kanilang mga pag-asa para sa isa sa dalawang twice-to-beat advantage sa quarterfinals na unang round ng playoffs.
Natalo ang Alaska sa San Mig Coffee, 84-83, noong Sabado, ang pang-walong sunod na talo ng Aces laban sa Mixers at dati nilang head coach na si Tim Cone mula pa sa nakaraang season matapos lumipat si Cone sa kampo ng B-Meg/San Mig Coffee.
Bukod sa masakit na talong iyon, namultahan pa si Alaska head coach Luigi Trillo ng kabuuang P40,000 dahil sa kanyang hindi pagsang-ayon sa double lane violation na itinawag ng mga referees para hindi i-count ang pangalawang free throw ni rookie Calvin Abueva na nagtabla sana sa iskor.
Isang araw bago iyon ay isang masakit ding talo ang nalasap ng Petron Blaze sa kamay ng Talk ‘N Text, 93-85 kung saan hindi nakaiskor sa overtime ang Boosters, angpagkakataong nangyari ito sa kanilang prangkisa.
Ang Alaska at Petron Blaze na lamang ang natitirang dalawang koponan na hindi pa natatalo ng back-to-back na laro sa conference.
Tinalo ng Aces ang Boosters sa kanilang unang paghaharap noong March 8 kung saan nagwala naman sa endgame ng laro ang dating import ng Petron Blaze na si Renaldo Balkman, na na-ban sa liga dahil sa kanyang mga pinaggagawa noon at pinalitan ni Rodney White.
Sa unang laro naman ang rematch ng Globalport at Meralco, dala-wang koponang nasa losing streaks.
Natalo sa kanilang hu-ling dalawang laro, ang Bolts ay nagwagi kontra sa Batang Pier, 90-89 noong Feb. 24, salamat sa buzzer-beating triple no Sunday Salvacion, ang pa-ngalawang talo sa kasalukuyang 7-game losing streak ng Globalport. .
- Latest