Engrandeng panalo ng Lim Grand Story
MANILA, Philippines - Nanatiling walang talo ang kabayong Lim Grand Story sa buwan ng Marso matapos kakitaan ng kahanga-hangang lakas sa pagremate noong Sabado na ginawa sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Sa mas mataas na class division 5 tumakbo ang limang taong colt na ginabayan ng regular na hineteng si Val Dilema at pinawi nito ang mahinang takbo sa unang yugto ng karera gamit ang nagbabagang pagtatapos.
Sa huling 25 metro sa 1,300m distansya nakuha ng Lim Grand Story ang kalahating-katawang agwat na siyang nagpanalo sa kabayong may lahing Success Story at Vola sa Flo Jo na hawak ni CV Garganta.
Kumabig ang mga nagtiwala sa Lim Grand Story ng P82.00 sa win habang ang forecast na 5-3 ay naghatid ng P233.00 dibidendo.
Nagpakitang-gilas din ang apprentice jockey na si JB Guerra matapos ipanalo ang nadehado ring My Sweet Leonora sa isang Handicap Race (5) na isinagawa sa 1,300m distansya.
Ang anak ng WindBlown sa Neat Laurel na My Sweet Leonora ay kumilos sa huling 50 metro at pinalad din na biguin ang malakas na pagda-ting ng Dear Jane tungo sa tagumpay.
Halagang P51.50 ang ipinasok ng panalo ng anim na taong kabayo habang P170.50 ang dibidendo sa 1-6 forecast.
Napangatawanan ng Bridal Chimes ang pagi-ging paboritong kabayo sa mga tumakbo sa 13 karera para tuhugin din ang ikalawang sunod na panalo sa buwang kasalukuyan.
Halagang P7.50 ang ibinigay sa win habang ang 3-5 forecast ay mayroong ipinamahaging P23.50 dibidendo.
- Latest