ATF tutulong sa hangaring ibalik ang tennis sa SEAG
MANILA, Philippines - Tutulong ang pamunuan ng Asian Tennis Fede-ration (ATF) para mahimok ang Myanmar na ibalik ang tennis sa mga larong gagawin sa SEA Games na itinakda mula Disyembre 11 hanggang 22.
Mismong ang pangulo ng ATF na si Anil Khanna ang nakinig sa hinaing ng 10 iba pang kasaping bansa mula sa South East Asia nang tanggalin ng Myanmar ang Olympic sport dahil sa kawalan ng mapaglalaruan.
Ngunit hindi totoo ang rason na ito dahil ang Myanmar ang tatayong host sa Davis Cup Asia-Oceania Zone Level III at IV sa Abril.
“Lumalabas na ang winning chance ng host country ang tunay na rason sa di pagsama sa tennis,†wika ni Phi-lippine Tennis Federation (Philta) secretary-general Romeo Magat na siyang dumalo sa pagpupulong na ginawa kamakailan sa Bangkok, Thailand.
Balak ni Khanna na kausapin ang Myanmar Olympic Committee sa pagbisita sa bansa sa Abril pero bago ito ay kikilos din ang ibang SEA countries sa pamamagitan ng pag-apela sa mga Ambassador ng Myanmar sa kanilang bansa na kumbinsihin ang kanilang sports officials na magbago ng desisyon.
Naniniwala si Magat na sa pagtutulungan ng mga SEA countries at suporta ng ATF, maibabalik ang tennis sa kalendaryo ng lalaruin sa SEAG.
Ang Thailand at Indonesia na kilala sa sport na ito ang siyang nanguna sa pagtutulak na maibalik ang laro habang sumusuporta ang Pilipinas.
- Latest