Tagumpay ang San Beda sa kanilang misyon
MANILA, Philippines - Napagtagumpayan ng San Beda College ang tinarget na three-peat, ngunit hindi maisasantabi ang makulay na kampanya ng host Letran at Perpetual Help sa 88th NCAA basketball season.
Tinapik ng San Beda ang serbisyo ni Ronnie Magsanoc para palitan ang nagbitiw na multi-titled coach na si Frankie Lim at hindi nagkamali ang pagtitiwalang ibinigay sa rookie coach na dating star player ng koponan nang makapagdomina ang Lions sa liga.
Bitbit ang pilosopiyang ‘Faith withour Fear’, tunay na lumaban ng walang takot at puno ng bangis ang Red Lions at walang magandang halimbawa rito kundi ang kinuhang 81-71 unang panalo sa taon laban sa Arellano.
Anim na manlalaro lamang na binuo nina Francis Abarcar, Ritchie Villaruz, Jun Bonsubre, Yvan Ludovice, Art Dela Cruz at Dave Moralde ang nagtulung-tulong para ibigay sa koponan ang mahalagang unang panalo.
Lalong naging mabangis ang Lions nang bumalik ang mga nasuspinding players dahil sa kinasangkutang gulo noong 2011 at sa pangunguna nina Amer Baser, Jake Pascual, Anjo Caram, Carmelo Lim at baguhang si Olaide Adeogun ay tinapos ang eliminasyon taglay ang nangungunang 15-3 baraha.
Hinarap ng Red Lions ang inspiradong Altas sa Final Four at kinailangan nilang sandalan ang malawak na championship experience para angkinin ang pahirapang 56-52 panalo at umabante sa finals.
Ang Knights ang siya nilang nakaharap sa best- of-three finals series dahil ginulat ng tropa ni coach Louie Alas ang mas pinaboran at second seeded na San Sebastian sa dalawang mahigpitang laro.
Hindi nakaporma ang mga kamador ng Stags na sina Calvin Abueva, Ian Sangalang at Ronald Pascual nang kunin ng Knights sa pangunguna nina Kevin Alas at Mark Cruz, ang 92-74 at 73-70 panalo.
Kondisyon ang Red Lions, habang wala sa porma ang Knights upang ang inaasahang klasikong pagkikita ng dalawang koponan na nakasungkit ng tig-16 titulo ay nauwi sa nakakadismayang 67-39 panalo ng San Beda.
Ang Red Lions ang lalabas ngayon bilang winningest team sa NCAA sa 17th titulo at nakagawa sila ng three-peat sa huling pitong taon.
Hindi man pinalad ay walang dapat ikahiya sa kanilang ipinakita ang Altas at Knights.
Ito ang unang pagkakataon mula 2004 na nakapasok uli sa semifinals ang Altas na minanduhan ng beterano ngunit baguhan sa liga na si Aric del Rosario.
Nagawa nila ito nang talunin ang palaging nasa semis na Jose Rizal University sa playoff, 73-68.
Ang Knights naman ay huling naglaro sa finals noong 2007 at nakapasok uli sila sa championship round dahil sa matinding 8-game winning streak matapos ang alanganing 6-6 baraha.
Nakasama rin sa mga pinarangalan ay sina Baser at Sangalang na siyang nag-uwi ng Finals at Regular season Most Valuable Player awards.
Tampok din na kaganapan sa season ay ang ‘slit-throat’ ni Alas sa Game 2 dahilan upang magkainitan at muntik pang magkasuguran ang beteranong coach at si technical committee member Romy Guevarra.
Nauwi naman sa maayos na pagtatapos ang problema nang gumawa ng public apology ang mga nasangkot.
- Latest