2 jr. boxers namumuro
MANILA, Philippines - Isang panalo pa at makakatikim na ng medalya sina light flyweight Jade Bornea at flyweight Ian Clark Bautista sa 2012 AIBA World Youth Boxing Championships sa Karen Demirch-yan Sports and Concerts Complex sa Yerevan, Armenia.
Parehong kinuha nina Bornea at Bautista ang kanilang ikalawang sunod na panalo laban sa biga-ting katunggali upang pumasok na sa quarterfinals sa prestihiyosong torneo para sa mga boksingerong ipinanganak noong 1994.
Nasa unang kampan-ya sa kompetisyon sa labas ng bansa, patuloy na ipinamamalas ng tubong South Cotabato na si Bornea ang husay sa ring nang kunin ang 19-10 panalo laban kay Bulgaria national U-22 champion at Ahmet Comert Youth bronze medalist Tinko Banabakov.
Ginamit ni Bautista ang bilis ng kamao at matibay na depensa tungo sa 20-12 panalo laban kay Ham Sangmyeong ng Korea.
Si Ham ang mas napaboran sa laban dahil isa siyang bronze medalist sa 2011 World Junior Championships sa Astana, Kazakhstan.
Ang mga panalong ito ay tumabon sa masakit na pagkatalo ni dating world champion Felix Eumir Marcial sa kamay ng Slovakian National Cham-pion at European Olympic qualifying veteran Michal Zatorsky, 7-11 sa lightweight division.
Pupuntiryahin nina Bornea at Bautista ang awtomatikong bronze medal sa panalo sa sunod na laro kontra kina Jack Sa-muel Bateson ng England at Kurt Walker ng Ireland, ayon sa pagkakasunod.
Tinalo ni Bateson si Jun Engkang ng Indonesia, 14-11, habang 18-14 panalo ang naitala ni Walker kay Samuel Kistohurry ng France.
Apat na boksingero ang ipinadala ng Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) pero unang nasibak ang bagitong taga-Mandaluyong City na si Jonas Bacho na lumaban sa bantamweight division.
- Latest