Batang Pinoy Visayas leg handa nang itanghal ng Leyte
MANILA, Philippines - Ang probinsiya naman ng Leyte ang magiging punong abala sa ikalima at final qualifying leg ng Philippine Olympic Committee-Philippine Sports Commission Batang Pinoy 2012 na magsisimula sa Martes sa Leyte Sports Development Center sa Tacloban City.
Siniguro ni Gov. Jericho Petilla na handa na ang Leyte na itanghal ang Visayas leg ng taunang annual athletic ta-lent search.
Magdaraos ng 13 sports na magdedetermina kung sino ang mga mahuhusay na atleta na makakasama sa Batang Pinoy National finals sa Dec. 5-9 sa Ilo-ilo City. Ito ay ang arnis, athletics, badminton, boxing, chess, dancesports, karatedo, swimming, softball, table tennis, taekwondo, lawn tennis at weightlifting.
Ang centerpiece events na athletics at swimming ay gaganapin sa bagong gawang Leyte Sports Academy kasama ang lawn tennis at weightlifting. Ang table tennis ay sa LSA Social Hall at ang badminton ay sa bagong LSA Badminton Hall.
Ang mga naunang leg ay National Capital Region (Marikina City), Northern Luzon (Pangasinan), Southern Luzon (Mindoro Oriental) at Mindanao (Dapitan City).
- Latest