Budinger sasailalim sa surgery para sa kanyang knee injury
MINNEAPOLIS -- Unti-unti nang nakikita ang husay ni Chase Budinger bilang swingman matapos niyang muling makasama si coach Rick Adelman sa Minnesota.
Ngunit isang knee injury ang nagpuwersa sa kanyang magpahinga para sa mga susunod na laro ng Timberwolves.
Nakatakdang sumailalim si Budinger sa isang surgery ngayong linggo para ayusin ang napunit niyang lateral meniscus sa kaliwang tuhod.
Ito ang inihayag ng Timberwolves noong Linggo ng gabi.
Si Budinger ang pinakahuling player na nagkaroon ng injury para sa Timberwolves, naghahangad na makapasok sa playoffs para sa unang pagkakataon matapos noong 2004.
Halos isang buwan ang ipapahinga ni All-Star forward Kevin Love dahil sa kanyang nabaliang kanang kamay.
Sa Disyembre naman inaasahang makakabalik si point guard Ricky Rubio dahil sa kanyang ACL injury sa kaliwang tuhod na nangyari noong Marso.
Nagkaroon ng knee injury si Budinger noong Sabado sa kanilang laro ng Chicago Bulls nang bumagsak siya.
Siya ang pumalit kay Brandon Roy, may namamagang kanang tuhod, bilang starter ng Timberwolves.
Hindi rin nakakapaglaro si backup point guard JJ Barea dahil sa kanyang sprained left foot.
Sa layuning makapagdagdag ng mga beterano sa kanilang koponan, ibinigay ng Timberwolves ang kanilang pang-18th pick sa NBA Draft noong Hunyo sa Houston para makuha si Budinger.
Si Budinger ay nakapaglaro na para kay Adelman sa Rockets noong 2010.
Sa Timberwolves, nagtala si Budinger ng average na 11.8 points para sa Wolves na nagposte ng magandang 4-1 panimula.
- Latest