Dapudong target ang bakanteng IBO crown
MANILA, Philippines - Tatlong magagandang panalo ang sasandalan ni Edrin ‘The Sting’ Dapudong para maisakatuparan ang hangaring maging isang world champion.
Haharapin ngayon ni Dapudong si two-division champion Gideon Buthelezi ng South Africa at nakataya sa labanang gagawin sa Emperor’s Place Hotel and Casino Resort sa Johannesburg, South Africa ang bakanteng International Boxing Organization (IBO) super flyweight belt.
Ito ang ikalawang pagkakataon na aasamin ng 26-anyos na tubong M’Lang, Cotabato ang world title dahil noong Hulyo 2, 2011 ay napalaban siya kay WBA flyweight champion Hernan ‘Tyson’ Marquez sa Mexico.
Pero bigo si Dapudong at lumasap ng isang third round technical knockout.
Matapos nito ay hinarap at tinalo ng boksingerong alaga ni dating North Cotabato Governor Manny Pinol at promoter Aljoe Jaro na sina Jonathan Ricablanca, Dondon Jimenea at Nelson Llanos para iangat ang karta sa 27 panalo sa 31 laban, kasama ang 15 KOs.
Ang 26-anyos ring si Buthelezi ay dating hari sa IBO minimumweight at light flyweight divisions.
Tinangka ng kaliweteng boksingero na pag-isahin ang light flyweight title ng IBO at WBC pero natalo siya kay Adrian Hernandez via second round knockout.
- Latest