La Viuda (26)
Habang nananatiling nakatayo sa tapat ni Natasha, dahan-dahang isiniksik ni Kristina ang mga susi sa kanyang bulsa. Pinilit niyang pakalmahin ang mabilis na tibok ng dibdib at ibinalik ang malamig na titig sa dalaga.
“Anong ginagawa mo rito sa oras na ito, Natasha?” tanong ni Kristina.
Umismid at ngumisi si Natasha habang dahan-dahang tumatayo mula sa kama. “Alam ko ang tungkol sa inyo ni Ernesto. Pinapamanmanan ko siya at napag-alaman ko na madalas siya rito gabi-gabi.
Naningkit ang mga mata ni Kristina, ngunit hindi siya kumibo.
Lumapit si Natasha ng ilang hakbang. “Ang akala ko ay lihim siyang bumalik dito at magtatanan na kayo. Kaya sinundan kita kanina pero imbis na makipagtagpo ka kay Ernesto, nagulat ako na sa likod ng mansiyon ka pumunta. Nakita kitang pumasok sa bodega sa basement.
“Wala kang pakialam sa mga ginagawa ko,” matigas na sagot ni Kristina.
“May pakialam ako kapag may kinalaman ito sa mga lihim ng hacienda,” matalas na sabi ni Natasha. “Matagal nang may usap-usapan ang mga kasambahay... na may nakatagong lalaki sa ilalim ng hacienda. Isang lalaking sinasabing kamukhang-kamukha ni Emilio.”
Napatigil ang paghinga ni Kristina. Nanlamig ang kanyang mga palad.
“Isipin mo na lang kung anong mangyayari kapag isinumbong kita kay Doña Presentacion na nakakalabas ka pala ng mausuleo gabi-gabi. Anong gagawin nila sa ‘yo?”
Hindi nakakibo si Kristina. Alam niyang kapag nagsumbong si Natasha, mawawalan ng saysay ang lahat ng plano nila ni Andres at baka madamay pa ang ina nitong si Aling Pacing.
“Ano ba ang pinupunto mo, Natasha? Anong gusto mong mangyari?” galit na tanong ni Kristina.
Pairap na ngumiti si Natasha. “Mabilis ka palang kausap. Simple lang... Ipakilala at dalhin mo ako sa lalaking ‘yon sa ilalim,” utos ni Natasha na may matinding paghahangad sa mga mata. “Gusto ko siyang makita nang harapan.”
(Itutuloy)
- Latest



















